SADYANG naging matindi ang epekto ng COVID-19 hindi lamang sa bansa kundi sa buong mundo. Damang-dama ng iba’t ibang sektor ng ekonomiya ang epekto ng mga hakbang na ginawa ng pamahalaan upang makontrol ang pagkalat ng virus. Isa na rito ang industriya ng kuryente.
Sa pag-angkop sa bagong normal ay nagdaan sa ilang pagsubok ang Meralco. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay nananatili ang pagbibigay ng kumpanya ng 24/7 na serbisiyo sa kanilang mga customers.
Nagkaroon ng direktang epekto sa operasyon ng Meralco ang ipinatupad na lockdown ng pamahalaan. Nang inilagay sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang bansa, hindi naging posible para sa mga meter reader ang makuhanan ng aktwal na reading ng metro ang mga customers noong Marso, Abril, at para sa ibang customers, pati buwan ng Mayo.
Ito ay nagresulta sa pansamantalang pag-estimate ng konsumo ng mga customer. Nang muling makakuha ng reading ang mga meter reader ng Meralco, marami ang nagulat nang malaman ang kanilang mga aktwal na konsumo.
Bunsod ng pagpasok ng panahon ng tag-init na siyang kasabay ng pagpapatupad ng ECQ, nagkaroon ng malaking pagtaas sa konsumo ng karamihan.
Dahil karamihan ay nananatiling nagtatrabaho mula sa kani-kanilang mga bahay, hindi malayong mataas pa rin ang magrerehistrong konsumo ng mga ito sa mga susunod na buwan.
Kung ito na ang ating magiging bagong normal, kinakailangang umangkop tayo rito. May paraan na ito ay magawa nang hindi hinahayaang tumaas ng husto ang ating konsumo sa kuryente.
Halos kalahati ng kabuuang konsumo ng isang bahay ay nanggagaling sa aircon. Ang pagsiguro na nasa maayos na kondisyon ang inyong aircon at kung gagamit tayo ng tamang teknolohiya, malaki ang matitipid natin sa paggamit nito.
Ayon sa pagsusuri ng Meralco Power Lab sa mga 1.0 window-type aircon, ang paggamit nito ng nasa 25 degrees Celsius sa loob ng walong oras, nakatitipid ng hanggang P991 kada buwan kumpara sa kung ito ay nasa 18 degrees Celsius.
Mahalaga rin ang paglilinis ng aircon. Ang maruming filter ay nakahaharang sa normal na daloy ng hangin at nakababawas sa kalidad ng takbo ng aircon. Makakatipid ng P334 kada buwan ang customer sa paggamit ng 1.0 window type aircon na may malinis na filter sa loob ng walong oras sa gabi habang ito ay nasa mid setting.
Sa halip na gumamit ng desktop computer, gumamit na lamang ng laptop. Nasa 15 hanggang 60 watts lamang ang konsumo nito kumpara sa 70 hanggang 200 watts ng desktop computer. Ito ay nangangahulugan ng 70% to 80% na maititipid sa konsumo.
Sa ating patuloy na pagtatrabaho mula sa ating mga bahay, ugaliin din natin ang masinop at matalinong paggamit ng kuryente upang maiwasan ang malaking pagtaas sa konsumo. Marami pang mga tip ang maaaring makita sa opisyal na website ng Meralco sa www.meralco.com.ph.
