UWIAN NA NG MGA OFW, GOBYERNO HANDA NA BA?

MARAMING overseas Filipino workers (OFW) sa bansang Kuwait ang nababahala sa lumabas na balita ukol sa planong pagbabawas ng bilang ng mga dayuhang manggagawa sa naturang bansa.

Ayon sa balitang lumabas sa Arab Times, i­napbrubahan na ng Kuwait Parliament ­Legislative Committee ang matagal ng mungkahi na bawasan ang bilang ng mga ex­patriate o dayuhang manggagawa sa layuning maging balanse ang populasyon nito sa mga Kuwaitis.

Ayon sa statistics noong 2017, ang Kuwait ay may populasyon na umaabot sa 4.7 milyon. At base sa mungkahing i­naprubahan ng komite, hindi dapat tumaas sa mahigit 10 porsiyento ng populasyon ng Kuwaitis ang bilang ng naroroong mga Filipino.

Sa kasalukuyang bilang ng OFW sa Kuwait na tinatayang halos 250,000, ay binabangit na halos 83,000 OFW lamang ang pwedeng manatili sa naturang bansa.

Marami ang labis na nabahala sa balitang ito ngunit sa aking palagay ay malayong mangyari ito sa madaling panahon. Ang bansang Kuwait ay bago pa lamang nagsisimulang patakbuhin ang kanilang ekonomiya na hindi nakatali sa pagbebenta ng langis.

Kung kanilang paaalisin ang malaking bilang ng mga dayuhan, hindi ­malayong magsara ang maraming establisimyento at malamang na mabakante ang mga paupahan na umaasa sa mga dayuhan.

Samantala, ganito rin halos ang takbo ng pangyayari sa bansang Saudi Arabia na kung saan ay pinasisimulan na nila ang tinawag na Saudization. Katunayan ay ­marami ng mga Saudia ang ­nagtatrabaho na ngayon sa mga malls at iba pang pribadong mga opisina na dating hindi naman ­tinatangap ng mga Saudia.

Ang tanong ngayon ng maraming mga OFW ay kung handa na ba talaga ang ating gobyerno sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas?

Bagama’t maraming ahensya ng gobyerno katulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Overseas Workers Welfare Administration(OWWA), Department of Trade and Industry (DTI), Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at Department of Agriculture (DA) ang nagbibigay na ngayon ng mga training at reintegration program, ngunit tila ito ay kulang na kulang sa sangkap lalo na ang ayudang pinansyal.

Gayunpaman, marahil ay panahon na rin na ang ating mga OFW ay magsimula ng maghanda para sa kanilang pag-uwi. Ito ang panahon na dapat maging ang kanilang mga pamilya ay nagsisimula na rin na paghandaan ang pagbabalik ng kanilang mga kapamilyang OFW.

Gayundin, dapat na samantalahin din ng ibat-ibang LGU’s ang mga pagkakataon na magamit ng mga OFW ang kanilang mga natutunan o kasa­nayan sa ibang bansa para lalong mapaunlad ang kani-kanilang mga probinsiya o munisipalidad.

Related posts

Leave a Comment