2 PUNTOS NG UP FIGHTING MAROONS, TUMAPOS SA ADAMSON SA OT

0

Dalawang puntos ang nagpanalo sa University of the Philippines Fighting Maroons.

Dahil sa dalawang puntos na ito, tinapos ng Fighting Maroons ang 32 taong pagkawala sa UAAP Finals.

Kaya naman, hindi magkaumayaw ang UP community kung saan nila ibabalagbag ang kanilang kaligayahan sa paligid ng Smart-Araneta Coliseum.

Kakaiba ang panalo ng UP dahil nangyari ito sa isang overtime o OT.

Pihadong maimamarkang isang “klasikong do-or-die match up” ang paghaharap ng UP Fighting Maroons at Adamson Soaring Falcons dahil naganap ang pagpasok ng bola sa ring upang lumamang ang una sa huli ng dalawang puntos (89 – 87) sa loob ng limang minuto.

Dahil dito, UP ang makasasagupa ng Ateneo de Manila sa title series para sa Season 81 ng men’s basketball tournament na magsisimula sa Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tiyak, mapapalaban nang husto ang Ateneo dahil uhaw na uhaw sa panalo ang UP.

Sa labang naganap kagabi, lakas-loob na ipinukol ni Paul Desiderio ang isang jump shot sa huling 6.6 seconds, at na-pressure ng Fighting Maroons si Adamson guard Jerom Lastimosa na tumira ng three-pointer, at nagmintis.

Nakakapanghinayang naman ito sa panig ng Soaring Falcons, na inangkin ang twice-to-beat incentive nang tapusin ang elims na may 10-4 win-loss card.

Pero, mas determinado ang UP nang hablutin ang first game, 73-71 noong Sabado buhat sa game-winning basket ni Bright Akhuetie.

Si Akhuetie rin ang nagpalawig sa six-point lead ng UP sa overtime ng do-or-die match.

Agad kinuha ng UP ang 16-point na abante, bago nakabawi ang Adamson sa third quarter, kung saan na-outscored ng Soaring Falcons ang Maroons, 23-4 sa final 5:43 tungo sa 67-64 lead papunta sa fourth.

Mula dito, nagpalitan na ng basket ang magkabilang koponan.

Sa 78-75 count pabor sa UP, buong tapang na tumira si Lastimosa ng three-pointer na nagtabla sa iskor sa huling 2.6 seconds.

May tsansa sana ang UP na makaiskor at makaiwas sa overtime, subalit nagmintis sa tres si Desiderio sabay sa pagtunog ng buzzer.

Hanggang sa umabot sa OT na nagpatigil sa ligaya ng Adamson.

“Our hardwork paid off, it wasn’t without challenges,” mangiyak-ngiyak na pahayag ni UP coach Bo Perasol.

“This team will fight no matter what [would happen],” bigwas ni Perasol.

Huling naging kampeon ang Up Fighting Maroons noong 1986.

Maulit kaya ito?

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment