SUSPEK SA ONLINE SALE NG FAKE CAAP LICENSE LAGLAG SA NBI

ARESTADO sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Cavite North District Office (CAVIDO North), ang isang indibidwal na sangkot sa distribusyon ng pekeng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) licenses, noong Hulyo 8.

Ayon sa ulat ni NBI Director Jaime B. Santiago, nakatanggap ang NBI ng sulat mula sa CAAP Security and Intelligence Service (CSIS) na humihingi ng tulong para sa imbestigasyon sa online sale ng fake CAAP licenses, na umano’y talamak na at nagsi-circulate sa social media.

Sa pamamagitan ng nasabing modus, ang mga indibidwal o grupo ay nakakukuha ng CAAP license bagama’t walang necessary skills at government regulatory requirements, kapalit ng halaga ng pera.

Ang eksploytasyon na ito ng pekeng CAAP license ay posibleng magdulot ng aviation accident na makapipinsala sa national interest dahil sa high-risk stake kaugnay sa abyasyon.

Noong Hulyo 8, 2025, ang NBI-CAVIDO North Agents, kasama ang personnel ng CAAP, ay nagsagawa ng entrapment operation sa isang mall sa Maynila.

Nagresulta ang operasyon sa pagkakadakip sa suspek na kinilalang si Eddie Bayota Pleje makaraang iabot sa poseur-customer ang mga dokumento, CAAP license, at sertipikasyon bilang pilot at aircraft mechanic, at tinanggap ang marked money.

Ang suspek ay agad isinailalim sa inquest proceedings sa Manila City Prosecutor’s Office sa paglabag sa Article 172 par.(1) and (2) (Falsification by Private Individuals and Use of Falsified Documents) ng Revised Penal Code (RPC) in relation to R.A. No. 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012, at Article 315 par.2 (a) ng RPC.

(RENE CRISOSTOMO)

25

Related posts

Leave a Comment