MAHIGIT isang milyong overseas Filipino workers (OFWs) ang apektado ng COVID-19 mula nang magkaroon ng pandemya noong 2020 hanggang Enero 2022.
Ito ang report ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers na pinamumunuan ni Rep. Raymond Democrito Mendoza.
“A total of 1,005,714 overseas workers were affected by COVID-19 as of January 2022,” pagkumpirma ni Senior Specialist Jose Cabrera III ng Office the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Halos lahat ng nasabing bilang ay nawalan ng trabaho matapos magsara o magbawas ng mga tauhan ang mga kumpanyang pinagtatrabahuan ng mga ito sa ibang bansa.
Dahil dito, ipagpapatuloy aniya ang repatriation sa OFWs partikular ang mga stranded sa Doha, Qatar, Dubai, UAE, Kuwait at Riyadh, Saudi Arabia sa Pebrero.
Nabatid din na mula noong nakaraang taon, umabot na sa 456,230 OFWs ang naibalik ng DFA sa bansa na kabilang sa mga naapektuhan nang magkaroon ng pandemya sa COVID-19 sa mundo.
Samantala, umabot naman sa 30,789 OFWs ang nagkaroon ng COVID-19 sa ibang bansa kung saan 21,696 ay gumaling na sa nasabing virus.
Ipinatawag ang nasabing pagdinig upang talakayin ang panukalang batas na palawigin ang insurance coverage ng OFWs upang hindi lang ang first timer ang isiseguro kundi pati ang mga re-hired. (BERNARD TAGUINOD)
