BATANGAS – Patay ang isang lalaki habang isa pa ang sugatan makaraang araruhin ng motorsiklo na minamaneho ng isang estudyante sa Brgy. Mavalor, sa bayan ng Rosario sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Godofredo Quizon, 59, habang sugatan naman at nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang kasama nitong si Guiller Abol, 36-anyos.
Batay sa report ng Rosario Police, naglalakad ang dalawa sa barangay road nang masalpok ang mga ito ng motorsiklong minamaneho ng 18-anyos na estudyanteng si Ariel Gapaz dakong alas-11:00 ng gabi.
Sa lakas ng pagkakasalpok, kapwa tumilapon ang dalawang biktima na isinugod sa MVM District Hospital sa Brgy. Namunga ngunit hindi umabot nang buhay si Quizon.
Nasugatan din ang driver ng motorsiklo na dinala sa N.L. Villa Memorial, Hospital sa Lipa City.
Nakatakda itong sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries. (NILOU DEL CARMEN)
