RIZAL – Patay ang isang construction worker habang isa pang biktima ang sugatan matapos matabunan sa nangyaring landslide sa Sitio Mayagay-1, Barangay Sampaloc, sa bayan ng Tanay, nitong Huwebes ng umaga.
Ayon sa report ng Tanay Police, bandang alas-9:30 ng umaga, abala ang mga biktima sa paghuhukay para sa ginagawang bakod nang biglang bumigay ang malaking bahagi ng lupa at bumagsak sa kanilang kinatatayuan.
Ayon sa Tanay Police, umuulan sa lugar nang mangyari ang insidente.
Kaagad namang nagresponde ang iba pang mga trabahador sa lugar upang hukayin ang mga biktima mula sa gumuhong lupa.
Kinilala ang mga biktimang sina Leonardo Pajanustan nakaligtas ngunit nasugatan, at Albert Tiongco y Haino, na-trap at nawalan ng malay.
Agad sinugod si Tiongco sa Army Station Hospital sa Camp Capinpin, Barangay Sampaloc ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy kung may pagkukulang sa safety measures sa lugar ng konstruksyon. (NILOU DEL CARMEN)
