P1.5-M CASH, JEWELRY NALIMAS SA BASAG-KOTSE

CAVITE – Tinatayang mahigit sa P1.5 milyong halaga ng cash at mga alahas ang natangay sa isang lady contractor matapos nabiktima ng ‘basag-kotse” sa parking area ng isang ospital sa Trece Martires City noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa ulat ng pulisya, ipinarada ng biktimang si alyas “Margie”, 54, ng Brgy. Pasong Kawayan 2, Gen. Trias City, Cavite, ang kanyang puting Toyota Land Cruiser na may plakang NCP 8904, bandang alas-7:00 noong Miyerkoles ng gabi sa parking area ng MV Santiago Medical Center sa Trece-Tanza Road, Brgy. De Ocampo, Trece Martires City at umalis ito.

Subalit pagbalik niya bandang alas-11:30 ng gabi ay nadiskubreng basag na ang kanang bintana ng kotse at nawawala ang kanyang bag na naglalaman ng P550,000 halaga ng mga alahas at P970,000 cash.

Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa closed circuit television (CCTV) sa lugar para sa pagkakakilanlan ng mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)

39

Related posts

Leave a Comment