1 patay, ilan pa missing masamang panahon 10 MANGINGISDA NASAGIP SA KARAGATAN NG AURORA

AURORA – Umabot sa 10 mangingisda ang magkakasunod na nasagip sa mga insidente ng paglubog ng ilang bangkang pangisda sa karagatan ng lalawigan sa kasagsagan ng pananalasa ng nagdaang masamang lagay ng panahon.

Base sa ulat, apat na mangingisda na sakay ng bangkang Jek-Jek na lumubog malapit sa Casiguran, Aurora dahil sa Bagyong Mirasol, ang nasagip nong Miyerkoles.

Kinilala ang mga ito na sina Jose Bilo, Jhon Bilo, Jerson Dela Torre, at Jerome Dela Torre, pawang mga residente ng Dingalan, Aurora.

Nasagip sila ng kanilang mga kapwa mangingisda habang nakakapit sa mga improvised na floating device na gawa sa pinagkabit-kabit na mga galon at ilang bahagi ng kanilang bangka.

Samantala, lima pang mangingisda mula sa bangkang Geanelle ang nasagip matapos lumubog noong Setyembre 16.

Matapos mawala sa loob ng tatlong araw, natagpuan sila sa baybayin ng Dipaculao noong Huwebes, Setyembre 18.

Ang search and rescue operation ay isinagawa ng iba’t ibang ahensya, kabilang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, at Philippine Coast Guard.

Bukod sa mga nabanggit, isa pang mangingisda na si Glen Avila mula sa Dilasag, Aurora ang nasagip din sa laot. Sinasabing sakay ito sa isang bangkang MB Denise Dei na lumubog noong Setyembre 17.

Patuloy namang hinahanap ang iba pang nawawalang mangingisda na sakay rin ng nasabing bangka kabilang si Jeremy Millena, 23, residente ng Barangay Pingit.

Nasagip naman ng bangkang Yantao sa Laot ang ibang sakay ng bangkang Denise Dei.

Samantala, isa sa mga nawawalang mangingisda na si Rosalito Lito Evangelista ng Dinalungan, Aurora ang kumpirmadong nasawi.

Natagpuan ang kanyang bangkay ng ilang kabataan sa dalampasigan ng Barangay Abuleg, Dinalungan noong Huwebes ng gabi.

Noong Miyerkoles, Setyembre 17, nakita ang kanyang lumubog na bangka sa Barangay Ditinagyan, Casiguran.

(NILOU DEL CARMEN)

25

Related posts

Leave a Comment