(Ni FRANCIS SORIANO)
KINUMPIRMA ng Commission on Elections (Comelec) na habang papalapit ang araw ng midterm elections ay parami nang parami ang mga kandidatong nagiging pasaway at halos lahat na sa kanila ay lumalabag sa mga alituntunin ng Comelec rules.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, tila sinasadya na ng mga kandidato ang lumalabag sa kanilang mga panuntunan, lalo na sa paglalagay ng mga campaign posters sa mga hindi common posting area dahil nagiging agresibo na sila sa pangangampanya at pagpapakilala sa mga botante.
Dahil dito, binabaklas na lamang ang mga ito ng mga Comelec officers, katuwang ang Department of Public Work and Highways (DPWH) ngunit idinodokumento muna ito nang sa gayon ay may hawak silang ebidensiya at attachment sa kanilang mga pinaplantsang kaso laban sa kanila.
Dagdag pa nito na kabaliktaran sa inaasahan ng Komisyon na sana ay habang papalapit ang halalan at habang pinaiigting ng ahensya ang pagpapatupad ng iba’t ibang panuntunan ay tumitino sana ang mga ito.
Bunsod nito ay inihahanda na rin ng Komisyon ang kaukulang kaso sa mga lumabag upang managot.
334