HINDI kakayanin ng Department of Health (DoH) na isailalim sa COVID-19 testing ang lahat ng mga Filipino.
Matunog na ‘no’ ang sagot ni Health Secretary Francisco Duque III nang tanungin siya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung makakaya bang isailalim sa COVID testing ang lahat ng mamamayang Filipino.
“Do we have the capacity to do the testing for every citizen in this country?” ang tanong ni Pangulo Duterte.
“Hindi naman po natin puwedeng i-test ang bawat mamamayan, wala naman pong bansa na nakakagawa nito, kahit na po ang pinakamayaman katulad ng United States of America,” ang tugon naman ni Sec. Duque.
Sinabi pa ni Sec. Duque na ang Estados Unidos ay nakapagsagawa ng COVID test sa 40 milyong mamamayan nito o 9 percent ng 370 milyong populasyon nito.
“Tayo po, malalampasan po natin iyon, magiging 10 percent po tayo. Of the total population of the Philippines of 109 million, we might be able to reach 10 million Filipinos by 2021,” ang pahayag ni Sec. Duque.
“I think 10 million would be a good number if you can achieve that,” aniya pa rin.
Ang Pilipinas ay mayroong daily testing capacity na 74,000 subalit ang average daily output ay mula 22,000 hanggang 23,000.
Layon ng DoH na taasan pa ang actual output ng 32,000 at gawing 40,000 tests kada araw.
(CHRISTIAN DALE)
