UMABOT sa 11 mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)-Karialan faction ang nagpasyang sumuko sa pamahalaan sa bayan ng Datu Piang sa Maguindanao, nitong nakalipas na linggo, ayon sa Western Mindanao Command.
“The 11 BIFF members surrendered to the troops of the 6th Infantry Battalion at Sitio Landing Fish, Barangay Buayan, Datu Piang,” pahayag ni Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., pinuno ng Western Mindanao Command.
Kasabay ng kanilang pagsuko ang pagsasalong ng kanilang mga sandata.
Ayon sa mga sumuko, pagod na sila sa pakikipaglaban at nais nilang maranasan na mabuhay nang normal na hindi tinutugis ng batas.
Samantala, may panibagong 36 CPP-NPA fighters namang sumuko ang nakatakdang pagkalooban ng tulong ng gobyerno para sa kanilang pagbabagong buhay at tuluyan nang iiwan ang armadong pakikibaka.
Tiniyak naman ni PNP-Chief Debold Sinas na makatatangap ng tulong pinansiyal, livelihood assistance ng pamahalaan ang former rebels sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP), bilang suporta sa national program to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC).
“The continued surrender of these red fighters that has reached thousands now is a clear indicator of the trust and confidence in the government felt deeply by these NPA members who have openly narrated the deception and miserable experiences they suffered in the hands of their commanders,” ayon sa PNP.
Ang sumukong communist terrorists ay mula sa iba’t ibang guerilla fronts na nag-o-operate sa Eastern Visayas.
Iprenesinta naman ni PRO8 Regional Director, P/BGen. Ronaldo De Jesus, sa Chief PNP, ang 29 assorted high-powered firearms, ammunition, at IED components na isinuko ng rebel returnees.
Kinumpirma ng mga sumuko na sinasamantala ng komunistang kilusan ang kahirapan ng mga kabataan lalo na ang mga nag-dropped out sa eskwelahan, na kanilang nire-recruit. (JESSE KABEL)
