Sa pagbubukas ng 2027 budget hearings; UPDATE SA 2026 BUDGET AT UTANG NG GOBYERNO, HININGI NI CAYETANO

HINILING ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa economic team ng Marcos Jr. admin ang detalyadong update sa paggamit ng pondo sa ilalim ng 2026 national budget, gayundin ang kabuuang utang ng gobyerno, sa pagsisimula ng pagtalakay ng Senado sa 2027 national budget.

Inisa-isa ni Cayetano ang kanyang mga tanong sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa isang liham kay Finance Committee Chairperson Senator JV Ejercito noong Agosto 27, 2026, kasabay ng briefing sa Senado tungkol sa 2027 National Expenditure Program (NEP).

Ayon kay Cayetano, mahalaga ang mga impormasyong ito sa pagbuo ng isang transparent na pambansang budget na tunay na nakabatay sa mga prayoridad ng bansa.

“There is no measure this Congress passes each year that is more consequential and touches more Filipino lives than the General Appropriations Act,” diin ni Cayetano.

“It is our values and priorities written in numbers. That is why we owe it to our people to get this budget right,” dagdag niya.

Kabilang sa mga tanong ng senador sa Department of Budget and Management (DBM) kung magkano na sa 2026 budget ang nailabas, nailaan sa mga proyekto at aktuwal na nagastos.

Nais din niyang malaman ang “absorptive capacity” o ang kakayahan ng bawat ahensya na gastusin ang pondong inilaan dito, gayundin ang detalye ng mga pondong inilaan sa mga programa sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT).

Sa Department of Finance (DOF), hiniling ni Cayetano ang kabuuang halaga ng utang ng pamahalaan hanggang July 31, 2026, pati ang mga loan at bond na kinuha o ginarantiyahan ng gobyerno sa nakalipas na tatlong taon.
Tinanong din niya kung aling foreign loans at grants ang hinihintay pa ang pag-apruba ng pamahalaan.

Humingi rin ang senador ng kumpletong listahan ng mga pondong inilipat, ni-realign o idinagdag sa ibang programa mula July 2023, kabilang ang pinagmulan at pinaglaanan ng mga ito.

Hiniling ni Cayetano sa mga ahensya na maagang isumite ang kanilang mga sagot at kaugnay na dokumento upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga senador na mapag-aralan ang mga ito bago ang nakatakdang budget hearings sa bawat ahensya.

Tiniyak naman ng Minority Leader ang kanyang “full and good faith cooperation” sa Majority sa pagbuo ng “best possible budget for 2027.”

“[It must be] a budget that honors God, builds communities, and transforms the nation,” ani Cayetano.

83

Related posts

Leave a Comment