12 DATING REBELDE SA CENTRAL LUZON NAGBALIK-LOOB

BILANG patunay sa epektibong kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. laban sa insurhensiya, sumuko at nagbalik-loob ang 12 dating kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) at Underground Mass Organizations (UGMO) mula sa mga lalawigan ng Tarlac, Nueva Ecija, at Bulacan.

Ang mga ito, ayon kay PBGen Jean Fajardo, Regional director ng Police Regional Office 3 (PRO3), ay sumuko noong Mayo 13 at Mayo 16, 2025.

Sinabi ni Fajardo na boluntaryong sumuko ang isang kinilala sa alyas na “Ka Mia,” isang magsasaka mula sa Brgy. Pao 3rd, Camiling, Tarlac.

Siya ay dating miyembro ng Kilusang Larangang Guerilla-Tarlac-Zambales (KLG-TAR-ZAM), sa ilalim ni Neptali Santos alyas “Ka Atong”, na kumikilos sa Tarlac at Zambales.

Samantala, noong Mayo 16 sa Brgy. Faigal, Guimba, Nueva Ecija, siyam na kasapi ng Liga ng Manggagawang Bukid (LMB) ang sabay-sabay na tumalikod sa kanilang suporta sa Alyansang Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), na may ugnayan sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Kabilang sa mga nagbalik-loob ay kinilala lamang sa kanilang mga alyas na “Gloria,” “Feliza,” “Irene,” “Zenika,” “Julieta,” “Lydia,” “Norma,” “Marcelina,” at “Rualyn,” na pawang residente sa nasabing lugar.

Pinangunahan ang operasyon ng 2nd Police Mobile Force Company (PMFC) ng Nueva Ecija PPO kasama ang mga yunit mula sa Guimba, Rizal, Llanera, at Quezon MPS, Regional Mobile Force Battalion 3 (RMFB3), National Intelligence Coordinating Agency 3 (NICA3), Regional Intelligence Unit 3 (RIU3), Information Operation Section-Regional Intelligence Division 3 (IOS-RID3), 84th Infantry battalion-7th Infantry Division Philippine Army (PA) at 21SAC-2SAB.

Sa parehong araw, sumuko naman si “Ka Ruby,” 42, mula sa Brgy. Calero, Malolos City, sa 1st PMFC Headquarters sa Camp Alejo S. Santos, Bulacan.

Dating miyembro si Ka Ruby ng Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB) na kumikilos sa mga baybayin ng Bulacan, Pampanga, Zambales, at Bataan. Isinuko niya ang isang snub-nose caliber .38 revolver.

(ELOISA SILVERIO)

50

Related posts

Leave a Comment