LABINDALAWANG dating terorista ang sabay-sabay na tumalikod sa karahasan at nagbalik-loob sa pamahalaan sa magkahiwalay na lugar sa Maguindanao del Sur bago sumapit ang kapaskuhan, bilang patunay na mas pinipili na ngayon ng marami ang pag-asa at kapayapaan kaysa patuloy na pakikipaglaban.
Sampu sa mga nagbalik-loob ang kusang sumuko sa 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion sa Brgy. Kabingi, Datu Saudi Ampatuan noong Nobyembre 17.
Kasabay ng kanilang pagtalikod sa karahasan ang pagsuko ng 11 na matataas na kalibre ng armas, kabilang ang isang Rocket-Propelled Grenade (RPG), isang 60mm mortar, at siyam na iba’t ibang uri ng baril. Katuwang sa aktibidad ang 65th Infantry Battalion, 6th CMO Battalion, PNP at mga lokal na pamahalaan ng Datu Abdullah Sangki, Datu Unsay, Datu Hoffer, Shariff Aguak, Datu Saudi Ampatuan at Ampatuan.
Iprinisenta ang mga nagbalik-loob kay Brigadier General Edgar L. Catu, commander ng 601st Brigade, kasama sina Datu Saudi Ampatuan Mayor Bassir Utto, mga konsehal ng bayan, mga kinatawan mula sa Ampatuan LGU at MAFAR-DSA.
Nagkaloob ang LGU ng agarang tulong tulad ng bigas at mga binhi bilang panimulang suporta upang makapagsimulang sila sa panibagong buhay.
Ayon kay Mayor Utto, “Ang inyong pagbalik-loob ay hindi lamang tagumpay ng pamahalaan, kundi tagumpay ng bawat pamilya at komunidad. Handa ang aming munisipyo na gabayan kayo sa inyong bagong simula tungo sa mas ligtas at mas maunlad na kinabukasan.”
Samantala, dalawang miyembro ng local terrorist group pa ang naunang sumuko sa 92nd Infantry Battalion sa Brgy. Salbu, Datu Saudi Ampatuan noong Nobyembre 16.
Isinuko rin nila ang kanilang mga kagamitang pandigma, kabilang ang isang M4 rifle, 60mm mortar, isang improvised explosive device (IED), at isang hand grenade.
Ayon kay Lt. Col. Anacito C. Naz, Commanding Officer ng 92IB, naisakatuparan ang pagsuko sa pakikipagtulungan ng mga katuwang na stakeholders mula sa MILF-CCCH at MILF-BIAF 105th Base Command.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang mga pagsukong ito ay nagsisilbing malinaw na palatandaan na nananaig ang pag-asa at pagnanais ng kapayapaan sa mga komunidad.
“Ang kapayapaan ay hindi nakukuha sa lakas ng armas, kundi sa lakas ng ating pagkakaisa na tapusin ang terorismo. Ang inyong pagbabalik-loob ay patunay na mas nangingibabaw ang ating pagnanais na mamuhay nang mapayapa kapiling ang ating mga pamilya. Nananatiling bukas ang pintuan ng 6ID sa lahat ng mga nagnanais talikuran ang maling landas at mamuhay nang normal sa komunidad,” wika pa ni Maj. Gen. Cagara.
(JESSE RUIZ)
86
