3 NPA PATAY SA ENGKWENTRO SA LEYTE

LEYTE – Patay ang tatlong miyembro ng New People’s Army sa nangyaring pakikisagupa sa mga sundalo nitong Martes ng umaga sa bayan ng Jaro sa lalawigan.

Ayon sa ulat ng Jaro Municipal Police Station na nakarating sa Camp Crame, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa presensya ng mga armadong kalalakihan sa mabundok na bahagi ng Barangay Pange.

Kaagad namang nagresponde ang mga tauhan ng 802nd Brigade ng nasabing unit sa mabundok na lugar ngunit hindi pa nakalalapit ang mga sundalo ay pinaputukan na sila ng mga rebelde hanggang sa gumanti ng putok ang mga awtoridad.

Makaraan ang ilang minutong sagupaan ay tumakas ang mga rebelde at naiwan ang tatlo nilang kasamahan na wala nang buhay.

Kinilala ang napatay na mga NPA mula sa Eastern Visayas Regional Party Committee, na si Fidel Lagado, alyas “Ivan”, squad leader, at dalawang iba pa na sina alyas “Jun” at “Gani”, habang wala namang naiulat na nasaktan o namatay są panig ng mga sundalo at pulisya.

Nakuha sa lugar ng engkwentro ang dalawang kalibre .45 na armas, mga bala at subersibong dokumento ng samahan, habang hinahanap na ang pamilya ng napatay na mga NPA upang mabigyan ng maayos na burol ang mga ito.

(TOTO NABAJA)

70

Related posts

Leave a Comment