12 POSITIBO SA COVID-19 SA 1 BARANGAY SA QC *1 komunidad sa Navotas ni-lockdown

UMABOT sa 12 katao ang ang nagpositibo sa 70 individuals na isinailalim sa COVID-19 testing sa Brgy. Apolonio Samson, na isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Quezon City kamakailan.

Ito ang lumabas sa isinagawang expanded covid testing ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit sa Magsalin Compound sa naturang barangay.

Tatlo sa mga ito ang close contact ng mag-asawang unang nagpositibo sa COVID-19.

Isa sa mga ito ay senior citizen at dalawa ang menor de edad.

Ang nasabing lugar ay kasalukuyan naka-lockdown dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Kaugnay nito, ang lahat ng mga nagpositibo ay dinala na sa quarantine facility para sa ‘medical treatment and monitoring’.

Dahil dito, ang Lungsod Quezon ay patuloy na naghihigpit sa kanilang pagpapatupad ng health protocols.

Ang Quezon City ay halos araw-araw na kasama sa limang siyudad o lugar sa bansa, na iniuulat na nakapagtatala ng pinakamaraming kaso ng COVID-19.

Samantala, isang bloke sa Barangay North Bay Boulevard South Kaunlaran sa Navotas City ang ni-lockdown nang mabatid na apat na residente sa nasabing area ang nakumpirmang nahawaan ng COVID-19, ayon kay Mayor Toby Tiangco.

“Kahapon ay sinimulan po natin ang lockdown sa isang block sa Brgy. NBBS Kaunlaran. Hanggang maaari, ayaw po nating mag-lockdown pero kailangan ito para maiwasan natin ang pagkalat pa ng virus. Sa ngayon, lahat ng mga residente sa lugar ay nakapag-swab test na at dalangin nating wala nang magpositibo sa kanila,” ayon sa post ng alkalde sa social media noong Enero 20.

Sa nasabing petsa ay walong Navoteño ang nadagdag sa mga nagpositibo sa COVID-19.

Umabot na sa 5,553 ang tinamaan ng COVID-19 sa Navotas. Sa bilang na ito ay 5,308 na ang gumaling, 173 ang namatay at 72 ang active cases.

Sa kabilang dako, isa ang namatay sa COVID-19 sa Valenzuela City habang 35 ang bagong kumpirmadong kaso kaya’t umakyat na sa 257 ang naitalang active COVID cases sa lungsod noong Enero 20.

Sumampa na sa 9,002 ang tinamaan ng COVID sa lungsod. Sa bilang na ito ay 8,482 na ang gumaling at 263 ang namatay.

Ayon naman sa Malabon City Health Department, anim ang nadagdag na confirmed cases at 6,205 ang positive cases sa lungsod, 76 dito ang active cases.

Habang dalawang pasyente ang gumaling at 5,891 ang recovered patients sa Malabon habang nanatiling 238 ang COVID casualties. ((JOEL O. AMONGO/ALAIN AJERO)

106

Related posts

Leave a Comment