UMAKYAT na sa 126 ang kabuuang bilang ng mga sumakabilang buhay sa coronavirus disease sa Caloocan City matapos na tatlo ang madagdag sa bilang na ito, noong Martes, Agosto 4.
Hanggang alas-5:00 ng hapon noong Martes, umabot na sa 2,755 ang nagpositibo sa COVID-19 sa Caloocan.
Nabatid mula sa Caloocan Health Department, 1,546 na ang gumaling sa mga tinamaan ng COVID sa lungsod.
Noong Martes din sa Navotas, 1,279 ang dumating na resulta ng COVID testing na isinagawa noong Hulyo 27 at 28.
Sa bilang na ito, 223 ang bagong kumpirmadong kaso at 1,056 naman ang nag-negatibo.
“Hanggang may magagawa po tayo para maproteksyunan ang ating sarili, gawin po natin. ‘Wag maging kampante dahil ang kalaban natin ay ‘di nakikita. Ang kalaban natin ay nakamamatay. ‘Wag manghawa, ‘wag pahawa,” ani Mayor Toby Tiangco.
Umabot na sa 2,533 ang nagpopositibo sa COVID sa Navotas hanggang alas-8:30 ng gabi noong Agosto 3.
Ang active cases ay 1,462 habang 993 na ang gumaling at 98 ang sumakabilang buhay. (ALAIN AJERO)
355
