1,333 TRADITIONAL JEEPNEYS BALIK-PASADA

ITO ay makaraang aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pag-operate ng karagdagang 1,333 traditional Public Utility Jeepneys (PUJ) sa 23 ruta sa Metro Manila simula ngayong Miyerkoles, August 26, 2020.

Ayon sa Memorandum Circular 2020-040, maaaring bumiyahe ang mga traditional PUJ sa mga rutang nakasaad sa inilabas na MC kahit walang special permit.

Sa halip na special permit ay bibigyan ng QR Code ang bawat operator bago pumasada.

Maaaring i-download ang QR Code mula sa website ng LTFRB (www.ltfrb.gov.ph) simula Agosto 25, 2020.
Kailangan itong i-print at ipaskil ng mga PUJ unit.

Babala ng ahensya, walang taas-pasahe na ipatutupad maliban na lang kung may iaanunsyo ang LTFRB.

Bukod pa sa mga ito, kinakailangan na naka-register sa Land Transportation Office (LTO) ang PUJ unit bilang roadworthy o akma sa pagbiyahe at mayroong valid Personal Passenger Insurance
Policy.

Kabilang din sa requirements ang pagsunod sa safety measures alinsunod sa mga alintuntunin ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) tulad ng pagsuri sa body
temperature, pagsusuot ng face mask/shield at gloves sa lahat ng oras, at ang pag-operate ng 50% maximum passenger capacity ng PUJ.

Sa sandaling maging operational ang 23 bagong ruta, aabot na sa 149 routes para sa tradisyunal na mga jeep ang bibiyahe.

Ikinagalak naman ng mga tsuper ang muling pagbubukas ng mas marami pang ruta kasabay ng pagdaragdag din ng jeepney units sa Metro Manila. (JESSE KABEL)

258

Related posts

Leave a Comment