AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
AABOT ng 14.4 milyong pamilyang Pilipino ang ikinukonsidera nilang mahirap sila sa first quarter ng 2025, base sa pinakabagong survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS).
Ang survey, isinagawa mula Marso 15 hanggang 20 at inilabas noong nakaraang Biyernes, lumabas na 52 porsyento ng mga sumagot na ikinukonsiderang pamilyang mahirap, halos katulad ng 50 porsyento noong Enero at 51 porsyento noong Pebrero.
Batay sa mga resulta, ang self-rated poverty sa unang quarter ng taon ay bumaba mula sa 21-year high na 63 porsyento na nakuha noong Disyembre 2024.
Samantala, ang mga nag-rate sa kanilang pamilya bilang “hindi mahirap” ay nasa record-high na 36 porsyento sa unang tatlong buwan ng taon, mula sa 26 porsyento sa survey noong Disyembre 2024.
Ang mga nagsabing sila ay mahirap na “borderline” ay mula 12 porsyento hanggang 14 porsyento sa unang tatlong buwan ng taon, mula 11 porsyento noong Disyembre.
Sa mga lugar, pinakamataas ang self-rated poverty noong Marso sa Visayas sa 62 porsyento (mula sa 74 porsyento noong Disyembre), sinundan ng Mindanao sa 60 porsyento (mula sa 76 porsyento), balanse ng Luzon sa 46 porsyento (mula sa 55 porsyento) at Metro Manila sa 41 porsyento (mula sa 51 porsyento).
Ang mga nag-rate sa kanilang pamilya bilang “hindi mahirap” ay pinakamataas sa mga nasa Metro Manila sa 48 porsyento (mula sa 40 porsyento), sinundan ng mga nasa natitirang bahagi ng Luzon sa 43 porsyento (mula sa 34 porsyento), Mindanao sa 27 porsyento (mula sa 15 porsyento) at Visayas sa 25 porsyento (mula sa 11 porsyento).
Ang pinakahuling survey ay nagpakita rin na tumaas ang gutom sa mahihirap na pamilya, mula 31.5 porsyento noong Disyembre hanggang 35.6 porsyento noong Marso.
Binubuo ito ng 27 porsyento na nagsabing nakaranas sila ng katamtamang gutom at 8.5 porsyento na nakaranas ng matinding gutom.
Ang survey ay may 1,800 respondents at margin of error na plus/minus 2.31 porsyento.
Sinabi nitong weekend ng grupo ng mga magsasaka na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), na ang mga magsasaka ng palay na kumikita ng netong average na P17,854 lamang sa panahon ng pagtatanim o humigit kumulang P5,951 kada buwan, ay mas mababa sa national poverty threshold na P12,030 kada buwan para sa isang pamilyang may limang miyembro.
Ayon pa kay KMP chairperson Danilo Ramos, ang average na kita ng mga magsasaka ay bumagsak nang husto kaya muling ibinalik niya ang kanyang panawagan para sa madalian at makabuluhang suporta ng gobyerno sa mga lokal na magsasaka ng bigas, na dumaranas ng dobleng pasanin ng pagtaas ng mga gastos sa produksyon at pagbaba ng mga presyo sa farmgate, anim na taon pagkatapos magkabisa ang Rice Liberalization Law.
Binanggit pa niya na ang average na gastos sa paggawa ng isang kilo ng palay ay tumaas sa P15.32 noong 2023, bunsod ng pagtaas ng presyo ng farm inputs tulad ng fertilizer, fuel, seeds at labor.
May pag-asa pa bang umahon sa kahirapan ang mga Pilipino?
oOo
Binabati natin ang IGNITE FUEL GAS STATION CORPORATION na binuksan noong Abril 8, 2025 na matatagpuan sa #6028 G. Angeles St., Mapulang Lupa, Valenzuela City. Ito ay panibagong pagpapala mula sa langit.
oOo
Bilib naman tayo sa gimik ni Col. Aldrin Thompson, Chief of Police ng Hagonoy, Bulacan, na may tinapay ang lahat ng may lisensyang nakamotor na kanilang natse-check, habang hinuhuli naman at wala pang tinapay ang walang helmet at driver’s license.
Kaya gusto n’yong walang huli at may tinapay pa kayo, kailangan may driver’s license at helmet kayo ‘pag dadaan kayo sa Hagonoy, Bulacan. ‘Di ba, kuyang Col. Thompson, sir?
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.
