PATAY ang 16-anyos na binatilyong naki-birthday lang makaraang pasukin at paulanan ng bala ang masayang inuman kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Ang biktima ay nakilalang si Mico Gracia Balosa, 16, estudyante at residente ng Alley 6, Brgy. Batasan Hills, QC. Sugatan naman ang kaibigang si John Paul De Juan, 19, binata, construction worker at nakatira sa Sitio 3, ng nasabi ring barangay.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang insidente ay naganap bandang alas- 12:40 kahapon ng madaling araw.
Sa imbestigasyon ni Corporal Nido Gevero Jr. ng CIDU, dumalo ang biktima, kasama si Raymond Villarey sa birthday ng anak-anakan ni De Juan at habang masayang nag iinuman ang mga bisita ay bigla na lamang pumasok sa bahay ang isa sa mga suspek at pinagbabaril ang nag-iinumang mga biktima.
Agad namang nakapagtago si Villarey kaya hindi ito natamaan ng ratratin sila ng suspek. Mabilis na tumakas ang suspek at sumakay sa motorsiklo kung saan nakaabang ang kaniyang kasamahan na nagsilbing lookout.
Agad na isinugod ang mga biktima sa East Avenue Medical Center kung saan ito idineklarang dead-on- arrival ang 16-anyos na biktima. Kasalukuyang namang inoobserbahan pa sa nasabing pagamutan si De Juan.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan mga suspek at motibo sa pamamaril. (LILY REYES)
183
