17 BAYAN SA QUEZON BALIK SA GCQ

IBINALIK sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ang 17 bayan sa lalawigan ng Quezon dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Ito ay sa bisa ng Executive Order na inilabas ni Quezon Governor Danilo Suarez matapos ang pagpupulong ng bumubuo ng Provincial Inter-Agency Task Force (IATF) noong Martes ng hapon.

Ang buong lalawigan ng Quezon na binubuo ng 39 bayan at dalawang lungsod, ay nasa ilalim ng mas maluwag na MGCQ mula pa noong Setyembre noong nakaraang taon.

Batay sa nilalaman ng EO Number 16 ng gobernador, mula Abril 7 hanggang Abril 21 ay ibabalik sa GCQ ang mga bayan ng San Antonio, Infanta, Macalelon, Candelaria, Gen. Nakar, Dolores, Sariaya, Lucban, Real, Pagbilao, Tiaong, Guinayangan, Polillo, Mauban, Alabat, Gumaca at ang lunsod ng Tayabas.

Hindi naman nakasama sa isasailalim sa GCQ ang Lucena City na siyang capital city ng Quezon, at ang 23 mga bayan na may mababang kaso ng COVID-19.

Ayon kay Quezon Integrated Provincial Health Officer Dra. Grace Santiago, apat na parameters na ginagamit din ng national IATF, ang kanilang naging batayan kaya nadetermina nila ang mga bayan na dapat ibalik sa GCQ.

Ang lahat ng mga nabanggit na bayan ay isasailalim sa ipinatutupad na mga restriction at minimum health standard protocol na ipinatutupad ng National IATF sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ. (NILOU DEL CARMEN)

184

Related posts

Leave a Comment