172 ARESTADO SA ONLINE SABONG SA MAYNILA

UMAABOT sa 172 katao ang inaresto matapos salakayin ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group National Capital Region (CIDG NCR) ang isang ilegal na online sabong operation sa Tondo, Maynila.

Ayon kay CIDG NCR chief Col. John Guiagui, nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad noong Martes ng gabi sa isang cockfighting coliseum sa Vitas, Tondo matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa ilegal na aktibidad.

Sinabi ni Guiagui na tinatayang umaabot sa 500 sabong ang isinasagawa araw-araw sa naturang pasilidad, na tuluy-tuloy at umaandar ng 24-oras dahil sa online betting.

Sa 172 na naaresto, 130 ang mga mananaya na kalaunan ay pinalaya matapos makuha ang kanilang mga pahayag. Samantala, 40 indibidwal kabilang ang mga operator, teller, IT personnel, cameraman, at referee ang nananatili sa kustodiya ng Manila Police District.

Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 449 (Cockfighting Law), Presidential Decree No. 1602 (illegal gambling), at Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act.

Nakumpiska sa operasyon ang 45 computer sets at tatlong tripod cameras. Naghahanda rin ang pulisya ng aplikasyon para sa cyber warrant upang masuri ang laman ng mga device at matukoy ang lawak ng operasyon.

Iniimbestigahan na rin ng CIDG NCR, sa pakikipag-ugnayan sa Games and Amusement Board at Anti-Money Laundering Council, ang posibleng pananagutan ng mga sangkot at ang pagkakakilanlan ng mas mataas na personalidad sa likod ng operasyon.

Ipinagbawal ang e-sabong mula Mayo 2022 matapos itong ipatigil ng pamahalaan dahil sa negatibong epekto nito, kabilang ang kaso ng mga nawawalang sabungero.

(JESSE RUIZ)

66

Related posts

Leave a Comment