PUNA ni JOEL O. AMONGO
NAGALIT ang mga senador sa sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) at Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na wala pang krisis sa langis ang bansa.
Ayon kay Senator Loren Legarda, mahigit isang daan na ang presyo ng langis, sasabihin ng Palasyo ng Malakanyang na walang pang krisis sa langis.
Kaugnay niyan, ipinatawag ng Senado si Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin at iba pang mga opisyal nito upang alamin ng mga senador ang ginagawang hakbang nila sa nararanasang krisis sa langis sa bansa.
Pinuna rin ni Legarda ang napakabagal sa pag-aksyon ng gobyerno sa usapin ng paglala ng problema sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Hindi rin kumbinsido si Legarda na lahat ng mga nangangailangan ng ayuda ay mabibigyan ng pamahalaan.
Hinamon naman ni Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando si Castro na lumabas sa kanyang lungga para malaman niya ang nangyayari sa labas.
Ayon pa sa kanya, parang nagtatago lang sa garapon si Usec. Claire Castro sa pagsasabing walang krisis sa langis.
Sinabi naman ni Atty. James Reserva, na ISANG NAPAKALAKING KASINUNGALINGAN ang pagsasabing walang krisis sa langis ang bansa.
Aniya, kaliwa’t kanan na ang pagtataas ng presyo ng mga bilihin dahil sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, maririnig pa ng mga Pilipino mula sa Palasyo ng Malakanyang na walang krisis sa langis.
Kaya sinasabi ng Palasyo ng Malakanyang na walang krisis sa langis para pagtakpan ang kahirapan na nararanasan ng mga Pilipino.
Hindi maitatago ng mga Pilipino ang kanilang nararamdamang gutom na dulot ng kapabayaan ng gobyerno na hanggang ngayon ay wala pang malinaw na hakbang para maibsan ang epekto ng giyera sa Gitnang Silangan.
Maging ang Truckers group, mga eroplano, bus sa PITX sa Parañaque City ay kanya-kanyang pahayag na magbabawas sila ng biyahe dahil sa sobrang taas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Kapuna-PUNA rin na ang mga lansangan sa Metro Manila ay naging maluwag sa mga sasakyan na bumibiyahe dahil sa epekto ng mahal na presyo ng langis.
Nakatanggap din ng impormasyon ang PUNA, na nasa mahigit kumulang 400 gasolinahan na sa iba’t ibang lugar sa bansa ang nagsara dulot sa krisis sa langis.
Habang nakararanas ng kahirapan ang mga Pilipino ay patuloy namang pinagtutuunan ng pansin ng ilang personalidad, kasama na ang mga kongresista sa Kamara, ang impeachment laban kay Vice President Inday Sara Duterte.
Imbes na mag-isip sila kung paano makatutulong sa pagresolba sa malaking problema ng bansa sa krisis sa langis ay inuuna pa ng mga ito ang pamumulitika para sa kanilang pansariling interes.
Iginiit naman ni Senator Bam Aquino, sa pagdinig ng ad hoc committee, na dahil sa sitwasyon ng bansa ay kailangan nang magdeklara ng state of national emergency, upang makagawa ng mabilis na tugon ang gobyerno sa krisis gaya ng pag-regulate sa presyo ng mga bilihin.
Paano pang magkakaroon ng tiwala ang mga Pilipino sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kung ang mga opisyal niya ay katulad ng paniniwala ni Usec. Claire Castro na sinasabing wala pang krisis sa langis ang bansa?
Kung hindi n’yo magagawa ang inyong trabaho, mas makabubuting bumaba na lamang kayo sa pwesto para mapalitan kayo ng mga tao na may malasakit sa kapwa Pilipino.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
124 