17th PRESIDENT

NGAYONG tanghali, June 30, manunumpa na ang ika-17 Pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos siyang iluklok ng 31,104,175 Filipino voters noong nakaraang eleksyon o 58.77% sa mga botante ang bumoto sa kanya.

Kabilang sa 16 na naunang pangulo ng bansa ay sina Emilio Aguinaldo, Manuel L. Quezon, Jose P. Laurel, Sergio Osmeña, Manuel Roxas, Elpidio Quirino, Ramon Magsaysay, Carlos P. Garcia, Diosdado Macapagal, Ferdinand Marcos Sr., Corazon Aquino, Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, Benigno Aquino III at Rodrigo Duterte.

Sa makasaysayang National Museum ang pinili ni Marcos Jr. na lugar sa kanyang panunumpa na siya ring lugar kung saan nanumpa bilang pangulo sina Manuel L. Quezon (1935), Jose P. Laurel (1943), at Manuel Roxas (1946).

Ang buong akala ng lahat ay sa Quirino Grandstand sa Luneta karaniwang nanunumpa ang mga bagong halal na pangulo dahil sa lugar na ito nanumpa sina Ramos, Estrada, Arroyo, Aquino III at Duterte.

Si Marcos Jr. o mas kilala sa bansag na BBM, ang ikatlong pangulo na anak ng dating presidente ng bansa, na inilulok ng mga Pilipino sa Malacañang, kasunod nina Gloria Macapagal Arroyo at Aquino III.

Sa kasaysayan ng eleksyon sa Pilipinas, tanging si BBM ang nakakuha ng ‘majority votes” dahil ang mga sinundan nitong pangulo ay nahalal sa pamamagitan lang ng popularity votes.

Siya lang din ang nahalal na pangulo ng bansa na mas malaki pa ang inilamang na boto sa nakuhang boto ng kanyang pinakamalapit na katunggali na si Vice President Leni Robredo na naka­kuha lang ng 14,822,051 votes.

Ibig sabihin, lamang si Marcos Jr. ng 16,282,124 votes kay Robredo at ang inilamang niyang ito ay halos kasing dami ng mga bumoto kay Duterte noong 2016 presidential election dahil nakakakuha lamang ito ng 16,601,997 votes.

Kaya yuko ang mga kritiko ni Marcos Jr. sa kanya at walang nagtangka sa kanyang mga kalaban sa presidential race na kwestiyunin ang mga binilang na boto ng National Board of Canvassers (NBOC).

Maging si Duterte na nagtangkang sirain si Marcos ay bumilib at sinabing tama ang ginawa ng president-elect na hindi sumali sa presidential debate pero sumali man o hindi ay desidido na ang mga Filipino na iluklok siya sa Malacañang.

Isa sa mga tinitingnang dahilan ng mga eksperto kung bakit si Marcos Jr. ang pinili ng mga Filipino ay dahil wala namang nangyari sa bansa mula nang mawala sila sa Malacañang noong 1986.

Sabi ko nga, dalawa na ang naluklok na anak ng dating ­pangulo bago si BBM pero wala pa ring nangyari sa ating bansa. Marami pa ring mahirap, walang trabaho at oportunidad sa ating bansa.

Lalong nadismaya ang mga Filipino sa pamumuno ni Duterte dahil nagkawatak-watak ang mga tao, nabaon sa utang ang bansa, hindi naresolba ang katiwalian
at higit sa lahat, lumala ang inhustisya.

209

Related posts

Leave a Comment