18 PNP OFFICERS POSITIBO SA DROGA

UMABOT sa 18 police officials ang kumpirmadong positibo sa paggamit ng ilegal na droga, ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP).

Ang bilang na ito ay mula noong Enero hanggang ngayong buwan, saad ng PNP-Crime Laboratory na nakabase sa Camp Crame, Quezon City.

Batay sa rekord ng PNP, 463 na ang mga opisyal at kasapi ng pambansang pulisya na nagpositibo sa ilegal na droga.

Ang 18 opisyal ay kinabibilangan ng apat sa Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), apat sa Rehiyong Bangsamoro, tig-dalawa sa Gitnang Luzon at Eastern Police District (EPD), tig-isa sa Highway Patrol Group (HPG), Civil Security Group (CSG), Southern Police District (SPD), Western Visayas, Northern Mindanao at Rehiyong Caraga.

Nadiskubre ang 18 positibo mula sa isinagawang drug test sa 80,507 mula sa 200,000 mga opisyal at miyembro ng PNP.

Ang PNP ay katuwang ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagsugpo ng ilegal na droga sa bansa.

Tiniyak ni PNP Chief Debold Sinas, ilang linggo na ang nakalipas, na kagya’t niyang ipapoproseso sa Internal Affairs Service (IAS) ng PNP, o sa National Police Commission (Napolcom), ang mga opisyal at miyembro ng PNP na positibo sa ilegal na droga, protektor ng sindikato ng droga at mga sangkot sa pagbebenta ng kahit anong klaseng bawal na gamot. (NELSON S. BADILLA)

 

142

Related posts

Leave a Comment