INANUNSYO ng Korte Suprema noong Marso 11, 2026, na pinagtibay nito ang isang panuntunan ng Department of Justice (DOJ) na nagtaas sa antas ng ebidensyang kailangan bago maisampa ang kasong kriminal sa hukuman.
Sa desisyon, idineklara ng SC ang bisa ng Department Circular No. 20, na inilabas noong panahon ng dating Kalihim ng Katarungan at ngayon ay Ombudsman Boying Remulla, na nagtataas ng pamantayan sa preliminary investigation mula sa probable cause lamang patungo sa prima facie evidence na may reasonable certainty of conviction.
Dahil sa desisyon ng Korte Suprema, lalong tumibay ang isang resolusyon ni Remulla noong January 16, 2025 sa kaso ni Enrique Manas Sr., sapagkat ito ay nakabase sa DC 20 ng DOJ.
Ang kaso ay nag-ugat sa ambush noong Hulyo 23, 2017, na ikinamatay ni Manas Sr. sa Sta. Margarita, Samar. Dahil dito, Sinampahan ng kasong murder at attempted murder sina Emilio Zosa, Sofronio Meduranda Jr., at Reymart Antivo.
Inutos ng January 16, 2025 resolusyon ni Remulla na ang information laban sa mga suspek ay maisampa sa loob ng 10 araw upang makausad ang paglilitis nito.
Ngunit ang resolusyon ni Remulla ay nananatiling nakabinbin sa Department of Justice mahigit 410 araw na.
Sa isang liham kamakailan kay Acting Justice Secretary Fredderick Vida, pormal na hiniling ng mga abogado ng pamilya Manas ang pagsampa ng information laban sa mga nasabing suspek sa husgado.
“Sa ngalan ng pamilya Manas, magalang naming hinihiling ang agarang pagsasampa ng information laban sa mga suspek upang tuluyan nang umusad ang kaso sa hukuman,” sabi ng kanilang abogadong si Kristjan Gargantiel, kay Vida.
Halos siyam na taon matapos ang pagpatay, patuloy na hinihiling ng pamilya ang pagsampa ng information upang tuluyan nang umusad ang kaso. (TM)
95 