MAHIGIT 18,000 on duty na mga opisyal at kasapi ng Philippine National Police (PNP) ang nagpalista sa programang baksinasyon upang maging ligtas sa coronavirus disease -2019 (COVID-19).
Ang bilang na ito ay batay sa rekord ng PNP-Administrative Support for COVID-19 Task Force (PNP-ASCOTF).
Nabanggit din sa rekord na boluntaryo ang pagpapaturok ng mga opisyal at kawani ng PNP.
Tiniyak ni Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, PNP Officer-in-Charge (OIC) na hindi pinuwersa ang mga opisyal at kasapi ng PNP na magpabakuna.
Si Eleazar na siyang PNP Deputy Chief for Administration at pinuno ng PNP-ASCOTF ay isa sa mga namumunong opisyal ng pambansang pulisya na magpapaturok ng bakuna.
OIC din si Eleazar simula kahapon makaraang sumailalim si General Debold Sinas sa inisyal na 14-araw na kuwarantina dahil tinamaan siya ng COVID-19.
Maayos naman ang kalagayan ni Sinas, pagtiyak ni Eleazar.
Nagsimula ang baksinasyon sa PNP nitong Marso 1, kasabay ng pagpapabakuna ng ilang opisyal ng pamahalaan, doktor at mga empleyado ng mga pagamutang pinangangasiwaan ng pamahalaan.
Sa naturang araw, pinangunahan mismo ng hepe ng PNP-Health Service Unit ang pagpapaturok ng CoronaVac.
Ang ginamit na bakuna sa PNP ay galing sa 600,000 doses ng CoronaVac na gawa ng Sinovac BionTech, kumpanyang pag-aari ng gobyerno ng China.
Batay sa rekord ng PNP-ASCOTF, mayroon nang 12,001 pulis ang kumpirmadong tinamaan ng COVID-19 mula sa kabuuang puwersang 218,841.
Mahigit 11,000 na ang mga gumaling sa kanila.
Idiniin ni Eleazar sa press statement ng PNP-ASCOTF na: “Since last year, we have been constantly reminding our personnel to observe the minimum health safety standard protocol that include wearing of face masks and face shields even inside the police station and office. The health experts themselves said these are tried – and – tested measures to prevent infection and spread of the coronavirus”. (NELSON S. BADILLA)
139 