BINANATAN ni Senador Manny Pacquiao si Energy Secretary Alfonso Cusi sa pagtatangka anyang hatiin ang ruling PDP-Laban party para sa kanyang pansariling interes.
Sa ngayon si Pacquiao ang tumatayong acting president ng PDP-Laban habang acting vice-chairman ni Cusi at ang chairman ay si Pangulong Rodrigo Duterte.
May kinalaman ito sa ulat na umiikot na umano si Cusi at kinokunsulta ang kanilang partymates hinggil sa resolution na nananawagan kay Pangulong Duterte para kumandidato bilang vice president sa 2022.
“Huwag mong dini-divide yung isipan ng mga miyembro ng partido para gamitin mo sa sariling interest unless kung umikot ka para magbigay ng tulong sa mga kababayan, palakpakan kita, matutuwa ako,” diin ni Pacquiao.
Kasabay nito, iginiit ng senador na hindi pa ito ang panahon para pag-usapan ang pulitika at sa halip ay tumutok muna sa kampanya laban sa COVID-19.
Nagpadala na rin si Pacquiao ng sulat sa kanilang mga miyembro na nagpapaalala na huwag munang mamulitika sa gitna ng pandemya. (CHRISTIAN DALE)
341 