PORMAL nang isinara ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang 18th Congress sa huling session ng mga mambabatas ngayong hapon na pinamunuan ng dalawang Speaker sa katauhan nina Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na nagkaroon ng term sharing.
Ang 18th Congress ay may 308 miyembro kabilang ang 54 kinatawan ng 50 party-list organizations habang ang natitira ay district congressmen. May 11 naman ang pumanaw mula 2019 hanggang Abril 2022.
Bilang tradisyon, si House Minority Leader Joseph “Caraps” Paduano ng Abang Lingkod party-list ang nag-preside sa huling session matapos itong buksan ni Velasco.
“The dynamic relationship between the majority and minority blocs had aided the passage of the 2021 and 2022 annual budgets on time. While we had disagreements on issues, we set aside partisanship and pushed for legislations that provided assistance to the embattled Filipinos during the emergence of public health crisis due to COVID-19 pandemic,” ani Paduano.
Bago ito ay pinagtibay ang House Concurrent Resolution (HCR) No. 28 na nagdedeklara ng adjournment ng 18th Congress at House Resolution (HR) 2022 na nag-iimporma kay Pangulong Rodrigo Duterte na nag-adjourned na ang Kongreso.
Kinilala naman ni House Majority Leader Martin Romualdez ang ambag ng mga miyembro ng Kamara sa pagpapatibay sa may 300 panukalang batas na naipasa sa 18th Congress.
“I am in awe of the dedication to service and fortitude displayed by Members of Congress and our House employees. They worked beyond the call of duty, at times of uncertainty and abnormality, to make the 18th Congress one of the most productive ever,” ani Romualdez.
Kahit nagkaroon aniya ng lockdown mula 2020 dahil sa pandemya sa COVID-19 ay hindi ito naging balakid sa pagganap ng mga mambabatas at empleyado ng Kamara sa kanilang tungkulin.
Sa kanya namang valedictory address, ipinagmalaki ni Velaso ang tagumpay ng Kongreso sa nakaraang anim na taon tulad ng mga batas na tumugon sa pandemya sa COVID-19 at iba pang batas na pakikinabangan aniya ng sambayanang Pilipino.
“Nakapagpasa po tayo ng mahahalagang batas mula ‘Tulong’ hanggang ‘Tatag’, mula ‘Tapang’ hanggang ‘Malasakit’. We have shown that Congress could achieve much in the past few years despite the present challenges. We have shown that we are One Congress,” ani Velasco. (BERNARD TAGUINOD)
