$2.5-M COVID-19 EQUIPMENT DUMATING NA

DUMATING na sa bansa ang C-130 Plane ng Philippine Air Force sakay ang $2.5 million dollar laboratory equipment para sa coronavirus na binili ng Pilipinas sa China.

Nagtungo nitong Martes sa Shenzen, China ang C-130 para kunin ang COVID-19 equipment na ang halaga ay umaabot sa $2.5 million.

Bandang alas-2:40 ng madaling araw nitong Miyerkoles nang lumapag sa Clark International Airport ang C-130.

Nabatid na ang BGI COVID-19 equipment ay itatayo sa loob ng pito hanggang sampung araw sa pamamahala ng Department of Health.

Oras na maging operational umano ang nasabing laboratory equipment ay magkakaroon na ang Pilipinas ng kakayahang makapagsagawa ng hanggang 45,000 na COVID-19 tests.
Samantala, naglalayag naman ngayon ang isang barkong pandigma ng Philippine Navy na ipinadala sa Oman para kunin ang mga Personal Protective Equipment sa India na   donasyong nakalap ng Office of Civil Defense sa isang foreign company.

Ayon kay LCdr. Maria Christina Roxas, Acting Director, Naval Public Affairs Office, nagsimulang maglayag nitong Martes papuntang India mula Port Sultan Qaboos, Muscat, Oman ang Phil Navy BRP Ramon Alcaraz (PS16) at BRP Davao Del Sur (LD602), lulan ang Naval Task Force (NTF) 82.

Nabatid na dadaong pansamantala ang mga barkong pandigma ng Pilipinas sa Port Cochin, India para kunin ang PPEs. JESSE KABEL

286

Related posts

Leave a Comment