2 ARESTADO,10 MINORS NASAGIP SA CHILD EXPLOITATION

ARESTADO sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang dalawang hinihinalang bugaw habang nasagip ang 10 menor de edad sa umano’y child exploitation sa Concepcion, Tarlac.

Ayon sa ulat ni NBI Director Jaime Santiago, noong Hunyo 10 nang maaresto ang dalawang suspek sa kasong child exploitation, at 10 menor de edad ang nasagip.

Nauna rito, nadakip ang isang Swedish national na kinilalang si Heinz Henry Andreas Berglund noong Abril 2, 2025, ng mga tauhan ng NBI-Violence Against Women and Children Division (VAWCD) at ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU).

Sa hiwalay na operasyon ng NBI-VAWCD, sa pakikipagtulungan ng Homeland Security Investigation (HSI), naaresto naman ang isang Filipina na sangkot sa pagpapalabas ng live-streamed na sexual abuse sa mga kustomer.

Arestado rin ang nakakatandang kapatid nito na kasabwat umano sa bentahan at distribusyon ng video ng kalaswaan.

Ang dalawang suspek ay nadakip sa bisa ng search warrant, sa magkahiwalay na lugar sa Concepcion, Tarlac.

Ang dalawa ay kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 11930 (Anti-OSAEC at Anti-CSAEMs Act), Republic Act 9208 na inamiyendahan sa Republic Act 11862 (Anti-Trafficking in Persons Act), at Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, at Discrimination).

(RENE CRISOSTOMO)

18

Related posts

Leave a Comment