PATULOY ang manhunt operation ng magkasanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army laban sa dalawang kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nakatakas sa isinagawang joint law enforcement operation sa Barangay Balong Tugunan, Special Geographic Area (SGA) ng BARMM.
Ang dalawang tinutugis ay kinilalang sina alyas “Zoren” o “Zorin,” na sinasabing commander ng BIFF Bungos Faction, at Daureen Manampan, alyas “Marines.”
Kapwa wanted ang dalawa at pakay ng arrest warrants dahil sa mga kasong carnapping na may homicide, bukod sa mga ulat ng pangingikil at pagnanakaw ng mga baka sa mga karatig-baryo.
Nakatakas umano ang dalawa sa kasagsagan ng palitan ng putok na nauwi sa engkwentro nang isagawa ng pinagsanib na puwersa ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagsisilbi ng warrant of arrest nitong Sabado.
Anim na kalalakihan na iniuugnay sa BIFF ang nasawi sa naturang sagupaan, habang walang naiulat na nasugatan sa panig ng mga tauhan ng pamahalaan.
Dahil sa tindi ng bakbakan, gumamit umano ang mga puwersa ng pamahalaan ng artillery fire at air strikes upang mapahina ang resistance ng mga target na grupo.
Matapos ang engkwentro, narekober ng mga awtoridad ang limang matataas na kalibre ng baril sa lugar, kabilang ang apat na M16 rifle at isang Garand rifle.
Samantala, nasa 350 katao ang napilitang lumikas pansamantala at nagtungo sa dalawang evacuation center dahil sa pangambang madamay sa sagupaan.
Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad upang matunton at maaresto ang dalawang BIFF target na nakatakas.
(JESSE RUIZ)
56 