MINAHAN SA ZAMBALES, INIREKLAMO NG MGA GUWARDIYA SA UMANO’Y 2-3 BUWANG DELAY SA SAHOD

ZAMBALES — Inireklamo ng grupo ng mga security guard ang umano’y ilang buwang pagkaantala sa kanilang sahod habang patuloy silang nagsasagawa ng 12-oras na duty sa isang malaking mining operation sa lalawigan.

Ayon sa mga guwardiya ng Longinus’ Spear Security Agency na nakatalaga sa ErAmen Mining, nasa dalawa hanggang tatlong buwan na umano silang atrasado sa sahod, ngunit patuloy pa rin silang pumapasok sa gitna ng bundok, ulan at iba pang panganib sa kanilang trabaho.

Anila, nangangamba silang pag-initan o mawalan ng trabaho sakaling igiit nila ang kanilang karapatan sa sahod.

“Gusto lang po namin maningil ng pinaghirapan namin. May pamilya kami. May mga anak kaming pinapag-aral. Paano kami kakain kung ang minahan, bilyon ang kita sa nikel pero suweldo namin ayaw ibigay?” daing ng isa sa mga guwardiya.

Sinabi rin ng mga apektadong security guard na sa halip na aktuwal na bayad ay puro pangako umano ang kanilang natatanggap mula sa management ng minahan.

Itinuro nila si Erica Fernandez ErAmen, Vice President ng ErAmen Minerals Inc., bilang isa sa mga nangangakong mababayaran ang kanilang sahod, ngunit hindi umano natutupad ang mga ito.

Pasa-pasa rin umano ang responsibilidad sa pagitan ng mining company at security agency, kung saan itinuturo ng bawat panig ang kabilang partido pagdating sa usapin ng hindi pa nababayarang sahod.

Dahil dito, nanawagan ang mga apektadong guwardiya sa Department of Labor and Employment (DOLE) Region 3 na imbestigahan ang posibleng paglabag sa Labor Code, habang hiniling naman nila sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) na silipin ang operasyon ng naturang minahan.

Hanggang sa oras ng pagsulat ay wala pang pahayag ang pamunuan ng mining company kaugnay ng reklamo.

Bukas ang pahayagang ito sa panig ng ErAmen Minerals Inc., na nakabase sa Sta. Cruz, Zambales.

(JOEL AMONGO)

49

Related posts

Leave a Comment