DALAWANG bigtime drug pusher ang nadakip sa isinagawang anti narcotics operation ng PNP-Police Regional Office 5 na pinamumunuan ni Police Brig. General Jonnel C. Estomo, sa Camaligan, Camarines Sur.
Kinilala ni PNP-PRO5 Public Information Office chief, P/Major Malou Calubaquib ang mga nadakip na sina Armando Del Rosario y Buelva, 51, at Gil San Buenaventura y Flores, 52, pawang mga residente ng Zone 5, Brgy. San Roque, Camaligan, Camarines Sur.
Tinatayang may street value na aabot sa P1 milyon ang nasamsam ng mga tauhan ng Camarines Sur PNP, Camaligan Municipal Police Station sa inilatag na High Impact Operation.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-2:20 ng gabi sa Brgy. San Roque, Camaligan, Camarines Sur kung saan nakipagkita ang mga suspek sa poseur buyer ng PNP. Umabot sa 25 gramo ng hinihinalang shabu ang naibenta ng mga ito sa nagpanggap ng buyer kapalit ang halagang P75,000.
Matapos magpositibo ang transaksyon, lumapit sa pinangyarihan ang iba pang mga operatiba at inaresto ang mga suspek.
Bukod sa buy-bust item, nasamsam din mula sa mga ito ang tinatayang 135 gramo ng shabu na tinatayang P918,000 ang halaga.
Ang suspek na si Del Rosario ay matagal nang isinailalim ng pulisya sa surveillance operation at napag-alaman na isa itong “bodegero” ng ilegal na droga.
Ang suplay nitong ipinagbabawal na gamot ay galing pa sa Maynila at ibinebenta naman sa ibang drug dealers sa probinsya ng Camarines Sur na una nang naaresto sa nakaraang mga operasyon ng PNP.
Ang pagmamarka at dokumentasyon ng mga ebidensyang nakumpiska ay nasaksihan ng mandatory witnesses.
Nasa kustodiya na ng Camaligan MPS ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Samantala, pinuri ni P/BGen. Estomo, ang mga nanguna sa nasabing anti-illegal drugs operations na binubuo ng mga tauhan mula sa Regional Police Drug Enforcement Unit 5; MPDEU ng Camaligan MPS at PDEA ROV. Ipinaabot niya rin ang pasasalamat sa walang sawang suportang natatanggap nito sa komunidad sa siyang dahilan ng maraming tagumpay na nakakamit ng PRO5.
“Ang lahat ng tagumpay ng PNP Bicol sa kampanya kontra kriminalidad
partikular na sa kampanya laban sa droga ay naging matagumpay dahil na rin sa pagkakaisa at pagpapakita ng suporta ng ating mga counterpart at komunidad. Makakaasa ang Bicolano na patuloy ang pagtutulungang ito upang tukuyin ang mga sangkot sa pagpapalaganap ng ilegal na droga at tapusin na ang masamang gawaing ito,” ayon kay Estomo. (JESSE KABEL)
178
