CAVITE – Pinaghahanap ng pulisya ang isang lalaking bumaril at nakapatay sa dalawang indibidwal na kanyang nakaalitan sa Gen. Trias City noong Huwebes ng umaga.
Ang tinutugis na si “Regeinald” ang tumapos sa buhay ng mga biktimang sina alyas “Eric” at “Edmark” na namatay sa pinangyarihan ng insidente.
Ayon sa ulat, bandang alas-10:20 ng umaga nang mangyari ang insidente sa CM Delos Reyes Ave., Brgy. Javalera, Gen. Trias City, Cavite kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at mga biktima sa hindi binanggit na dahilan.
Sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo, nagbunot ng baril ang suspek at pinagbabaril ang mga biktima na nagresulta sa kanilang agarang kamatayan. Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek.
Away sa kalsada ang sinasabing dahilan ng pamamaril bagama’t patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.
(SIGFRED ADSUARA)
