2 BRGY., OSPITAL SA CALOOCAN NI-LOCKDOWN

ISINAILALIM sa total lockdown ang dalawang barangay sa Caloocan City dahil sa pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa naturang mga lugar.

Ayon kay Mayor Oscar Malapitan, napagpasyahan nilang isailalim sa total lockdown ang Barangay 142, simula alas-12:01 ng madaling araw nitong Agosto 1 hanggang alas-11:59 ng gabi sa Agosto 7

dahil sa paglobo ng mga tinamaan ng COVID-19 sa lugar.

Sa kasalukuyan aniya, nasa 28 katao na ang naitalang positibo sa lugar, ayon sa datos mula sa City Health Department.

Ila-lockdown din ang barangay 132 simula Agosto 2, alas-12:01 ng madaling araw hanggang Agosto 8, alas-11:59 ng gabi dahil din sa pagtaas ng bilang ng mga positibo sa lugar nitong nakaraang mga araw, kung saan 36 na ang nasapul ng nasabing nakamamatay na sakit.

“Katulad ng mga naunang barangay na isinailalim natin sa total lockdown, hindi natin pababayaan ang ating mga residente at sila ay makakatanggap ng relief packs at iba pang pangunahing
pangangailangan,” ani Mayor Oca.

Inatasan din ni Malapitan ang pulisya sa mahigpit na pagbabantay sa dalawang barangay habang nagsasagawa ng contact tracing ang City Health Department.

“Araw-araw ang ating pagmo-monitor sa mga kaso ng COVID-19 sa bawat barangay.

Ginagawa natin ang lahat ng makakaya para mapabilis ang contact tracing upang mapigilan ang pagkalat ng virus,” ayon sa alkalde.

Magugunitang pansamantala ring isinarang muli ang Caloocan City Medical Center-South (CCMC) alas-12:01 ng madaling araw nitong Agosto 1 hanggang alas-11:59 ng gabi sa Agosto 14
makaraang 61 personnel ng ospital ang tinamaan ng virus. (ALAIN AJERO)

122

Related posts

Leave a Comment