ARESTADO ang dalawang hinihinalang carnapper sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Substation 2 at SWAT team ng San Juan City Police Station noong Enero 7 sa Brgy. Addition Hills ng nasabing lungsod.
Kinilala ni PCol. Villamor Tullao, director ng Eastern Police District, ang mga suspek na sina alyas “Ralph,” 29, at “Khim,” 19, ng Mandaluyong City, habang pinaghahanap ang isa pa nilang kasama na kinilalang si alyas “Edward.”
Ayon sa ulat, dakong alas-8:45 ng umaga nang mapansin ng hindi pinangalanang biktima na ninakaw ang kanyang motorsiklo na nakaparada sa harap ng kanilang bahay sa A. Mabinit Street.
Kaagad nagsagawa ng follow-up operations ang mga awtoridad matapos ipagbigay-alam sa kanilang himpilan ang nasabing carnapping incident.
Sapul sa CCTV ng barangay ang nasabing pagnanakaw kaya mabilis na nahuli ang mga suspek habang nilang itinutulak ang motorsiklo.
Sinabi ng biktima na siya ang may-ari ng nasabing motorsiklo batay sa ipinakita nitong mga papeles kina PLt. Marcelo Mariñas, Deputy Commander ng Substation 2, at PLt. Efraim Garlit, ang hepe ng SWAT ng San Juan City Police Station.
Sa patuloy na pagsisiyasat, nabatid na sangkot din ang mga suspek sa kahalintulad na mga kaso hindi lamang sa San Juan City kundi pati na rin sa Quezon City.
Idinagdag pa ni Villamor na may standing warrant of arrest na pala itong si alyas “Khim” dahil sa paglabag sa City/Municipal Omnibus Anti-Smoking/Vaping Ordinance No 730, S-2019.
Kasalukuyang nakapiit ang dalawang suspek sa Custodial Facility ng San Juan City Police Station habang inihahanda ang mga kasong isasampa sa kanila. (NEP CASTILLO)
