APAT na mga empleyado ng National Bureau of Investigation (NBI) at pitong fixers ang inaresto sa kasong bribery sa labas ng NBI Clearance Center sa Taft Avenue at U.N. Avenue, Ermita, Manila kahapon.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, bahagi ito ng hakbang ng kawanihan para maalis ang red tape sa kanilang tanggapan.
Pinangunahan ng mga operatiba ng NBI-Cybercrime Division at NBI-Special Task Force ang pag-aresto sa apat na mga kawani ng Information and Communication Technology Division (NBI-ICTD) dahil sa kasong direct bribery (Article 210 ng Revised Penal Code); Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at Section 21(c) o may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nag-ugat ang pag-aresto sa mga suspek sa pagtuga ng ilegal na aktibidad ng mga ito ng isa sa mga tauhan ng NBI.
Binitbit din ang umano’y pitong fixers sa labas ng bisinidad ng NBI Clearance Center
Nabatid sa ulat ni Director Santiago, nakipagsabwatan umano ang mga suspek sa mga fixer sa pag-isyu nang rush na NBI clearance certificates kapalit ng halagang P800 hanggang P2,000. (RENE CRISOSTOMO)
40