MAGKASUNOD na pumanaw ang dalawang dayuhan sa lalawigan ng Batangas nitong Sabado.
Unang nasawi ang American Citizen na si Jeffrey Wagner, 60-anyos, pansamantalang naninirahan sa Barangay Bagtas, Tanza, Cavite, habang ito ay sakay sa isang fishing banca na naglalayag mula sa General Santos City patungo sa Calatagan, Batangas.
Ayon sa report ng pulisya, bandang alas-8:00 ng umaga, nasa karagatan sa bayan ng Lemery, Batangas ang vessel nang makaramdam umano ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga ang biktima at humingi ng inuming tubig.
Pero ayon sa bayaw ng biktima, nawalan na ito ng malay kaya agad nila itong isinugod sa ospital pagkadaong nila sa Calatagan Fishing Port.
Idineklara itong dead on arrival ng doktor sa Calatagan Medicare Hospital.
Sa bayan naman ng Talisay, nasawi rin ang retired British Engineer na si Graham Watson Lodge, 70-anyos, matapos matagpuang walang malay sa harap ng kanilang bahay sa Palm Ridge Subdivision sa Barangay Balas.
Ayon sa misis nito na si Angelita Lodge, dakong alas 6:00 ng hapon nang lumabas ang biktima upang maglakad-lakad.
Subalit nang tawagin na ito ng ginang upang kumain ay nakita itong nakabulagta sa harap ng bahay.
Ayon sa misis, may history ng hypertension ang kanyang mister at maaring na-stroke ito na siya nitong ikinasawi.
Isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang matiyak kung ano ang ikinamatay nito. (NILOU DEL CARMEN)
