MATAGUMPAY na nadakip ng mga awtoridad ang dalawang dating miyembro ng Communist Terror Group, kabilang ang isang most wanted.
Hindi naging madali ang pag-aresto sa dalawang suspek dahil palipat-lipat sila ng lugar.
Sa bisa ng warrant of arrest ay naaresto ang mga suspek na sina alyas “Tangkib” o “Mario” na may pitong kaso ng pamamaslang at dalawang bilang ng tangkang pamamaslang na may pabuyang P1.85 milyon, at alyas “Joy”, tinaguriang number 6 most wanted person ng Ifugao Police Provincial Office.
Ayon sa ulat, dinamba ang mga suspek sa kahabaan ng Conner-Kabugao Road sa Barangay Malama, Apayao.
Sa kabila nang pagpapalipat-lipat ng lugar ng mga suspek sa Baguio City, Mountain Province, Tabuk sa Kalinga ay nasundan pa rin sila ng mga awtoridad na nagresulta ng kanilang pagkaaresto.
Pinuri naman ni PNP chief, General Jose Melencio Nartatez Jr., ang mga pulis ng PRO-Cordillera dahil sa matagumpay na pagdakip sa dalawang notoryus ng mga miyembro ng CTG.
(TOTO NABAJA)
76 