IPAGPAPATULOY ng House prosecution panel sa susunod na linggo ang paghaharap ng mga saksi sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na ipatatawag kaugnay ng usapin sa “unexplained wealth.”
Kinumpirma ito ni House Prosecution Panel Spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers matapos ianunsyo ng Senate Impeachment Court na naipalabas na ang mga subpoena para sa mga susunod na saksi ng prosekusyon.
Ayon kay Barbers, bahagyang naantala ang kalendaryo ng pagdinig matapos ilaan ng Senate Impeachment Court ang sesyon noong Miyerkoles sa oral arguments at botohan kaugnay ng bagong panuntunan sa voting threshold.
Sa bagong ruling, ibabatay ang two-thirds vote sa mga senator-judge na legal at aktuwal na makalalahok sa pinal na botohan.
Sa kabila nito, tiniyak ng prosecution panel na magpapatuloy ang paghaharap nila ng mga ebidensya at saksi.
“Next week, marami pa pong witnesses na ilalatag ang prosecution,” ani Barbers.
“Kasama dito sa ating mga sina-subpoena iyong mayor ng Davao City, na kapatid ng ating pangalawang pangulo, na si Mayor Baste Duterte,” dagdag niya.
Ayon kay Barbers, may kaugnayan ang pagpapatawag kay Mayor Duterte sa mga rekord na konektado sa artikulo ukol sa unexplained wealth, kasunod ng naunang testimonya ni Securities and Exchange Commission (SEC) official Gerardo del Rosario.
Bukod kay Mayor Duterte, inaasahan ding haharap sa impeachment court ang mga kinatawan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Davao regional office at Philippine National Police (PNP) Firearms and Explosives Office.
Inilarawan ni Barbers ang pagpapatuloy ng pagdinig bilang bahagi ng unti-unting pagbuo ng ebidensya laban sa mga alegasyon sa impeachment case.
“At ito ay tutulong para mabuo iyong bahay ng ebidensya o itong unti nating binubuo na puzzle para mabuo iyong litrato na magpapatibay sa mga akusasyon sa impeachment,” ani Barbers.
(TINA MENDOZA)
68 