TINATAYANG nasa dalawang kilo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa isinagawang joint anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police sa Iligan City.
Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, nagkakahalaga ng P13.6 million ang street value ng nasamsam na droga sa ikinasang joint buy-bust operation ng PDEA RO9 at PDEA RO 10, katuwang ang iba pang law enforcement agencies ng pamahalaan.
Nabatid na nagsagawa ng pinagsanib na operasyon kontra droga ang PDEA at katuwang na mga ahensya na pagpapatupad ng batas noong Agosto 24, 2025, nagresulta sa pagkakaaresto sa isang high-value target (HVT) at nakumpiska ng dalawang kilo ng hinihinalang shabu sa Brgy. Tubod, Iligan City.
Bandang 2:50 ng hapon, ikinasa ng mga operatiba ng PDEA Regional Office 9 – Regional Special Enforcement Team, katuwang ang PDEA Lanao del Norte Provincial Office (PDEA 10), PDEA AIU–Misamis Oriental, Iligan City Police Office (Station 4), at PNP City Mobile Force Company, ang buy-bust operation sa parking lot ng isang fast-food establishment sa Tubod.
Sa operasyon, naaresto si alyas “Salik,” 28, may asawa, walang trabaho, at residente ng Brgy. Bangulo, Marawi City.
Tumakas naman ang kanyang kasama na si alyas “Jan” at nananatiling pinaghahanap.
Nakumpiska mula sa operasyon ang dalawang tea bags na may tatak na “Guanyinwang” na naglalaman ng vacuum-sealed packs ng hinihinalang shabu na tinatayang tumitimbang ng 2,000 gramo na nagkakahalaga ng P13,600,000; at mga bundle ng boodle money na may kasamang isang tunay na P1,000 bilang buy-bust money.
Dakong alas-4:00 ng hapon, nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga operatiba sa bahay ni alyas “Jan” sa Brgy. Bagong Silang, Iligan City.
Natagpuan doon ang tinatayang limang gramo ng hinihinalang shabu. Gayunpaman, hindi pa rin naaresto ang nasabing suspek.
Ang naarestong suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(JESSE RUIZ)
