MAGTAYO NA ANG PILIPINAS NG PERMANENT STRUCTURE SA WPS

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

DAPAT ay umpisahan na natin ang pagtatayo ng kongkretong istruktura sa Spratlys, ito ay upang ipakita natin sa China, at sa mundo, atin, tayo ang may karapatang umangkin sa West Philippine Sea.

Ang pagtatayo ng konkretong istruktura ay pagpapakita ng ating presensiya, at ang aktuwal na pag-okupa sa mga bahurang iyon na nakadaong ang ating mga gamit at sasakyang pandagat.

Sa permanenteng istruktura, doon matatanim natin ang ating pambansang watawat at deklarasyon sa lahat: Atin ang WPS!

Pero ang tanong: Handa nga ba ang Pilipinas na idepensa ang soberenya natin sa alinmang bansa na magnanais na agawin ang ating exclusive sovereign right sa WPS.

Panahon na para ating patunayan hindi lang sa salita, hindi lang sa ngawa, kundi sa gawa ang ating paggiit at pag-angkin sa mga Isla sa Spratly at mga bahura natin sa WPS.

I-priority natin ito at dapat ay umaksyon na ang Kongreso at Senado na magpasa ng batas sa pagpopondo ng bilyon-bilyong piso para makapagtayo na ng permanenteng istrukura sa lugar.

Kung kayang maglaan ang Kongreso ng ilang bilyong halaga ng salapi sa iba’t ibang klase ng ayuda, mas kayang magpondo ng higit pa sa depensa militar natin at pagtatanggol sa ating karapatang angkinin ang ating teritoryo sa dagat ng WPS.

Sa pagkakaalam ko, gumastos na ang US ng P70-B para itulong sa pagpapalakas ng ating depensa, siguro, kung totoo ang pangako nito na handang idepensa ang Pilipinas laban sa dayuhang bansa na nais itong sakupin, siguro ay dapat na hingiin natin na tulungan tayo na magtayo ng permanent structures sa Kalayaan Islands.

US should walk the talk: patunayan nito na si Uncle Sam nga ay ating kakampi sa pamamagitan ng pagbibigay ng armas de giyera at iba pa, hingiin natin ito sa US.

Kung puwede, magpasa ang Senado at Kamara ng joint resolution sa US Congress na maglaan ng bilyong dolyares upang itulong sa pagpapatayo ng mga permanenteng istruktura sa WPS.

Kung nagawa nito na tumulong sa ibang bansa, siguro mas dapat na tumulong ang US sa atin bilang kanyang matapat na kaalyado sa Asia!

Mahalaga na maipakita natin sa China at sa ibang bansa na hindi natin papayagan na agawin sa atin ang mga isla sa Kalayaan, na handa tayo na idepensa ang mga iyon, hindi sa salita lamang kundi, higit sa lahat, sa gawa.

Ipakita natin na mayroon tayong tapang, hindi lang sa bunganga; tayo ay may tapang sa gawa at kahandaang idepensa ang bansa sa alinmang bansa na nais tayong sakupin.

Yes, tama na ngayon ay umpisahan na ang pagtatayo ng permanenteng pasilidad sa Spratlys: ang presensiya ng ating mga barko, militar at iba pang gamit sa depensa ay pagpapakita na seryoso tayo na igiit ang ating sovereignty sa WPS.

Dapat ang itayo natin doon ay hindi lang airport a seaport: gawin din natin na ang mga isla na iyon ay maging atraksiyon sa mga turista mula sa ibang bansa at kung ang mga isla ay maging paboritong destinasyon na aakit sa mga dayuhang nais makita ang kagandahan ng Pilipinas, lalo nating matatampok ang katotohanang atin nga, tunay na tayo ang may lehitimong pag-angkin at may karapatang igiit ang ating tunay na pagmamay-ari at sovereignty sa mga isla sa Spratly.

Dapat na i-develop ang mga isla natin bilang atraksiyon sa mga dayuhang turista.

Opo, gawing tourism at business attraction ang mga isla sa Spratly, opo, malaking trabaho ito, pero kung ngayon ay uumpisahan at pagtutulungan ng lahat ng mga ahensiya ng gobyerno, posibleng mangyari ito.

At kung papasok man tayo sa isang kasunduan sa alinmang bansa including China, ang mahalaga ay interes natin ang una sa usapan, at hindi tayo dapat na pumasok sa kasunduang tayo ang malalamangan.

Ang Indonesia, ang Vietnam at Malaysia ay may kanya-kanyang bilateral agreement sa China patungkol sa industriya at kalakalan, ito ay sa kabila na kaagaw sila sa pag-angkin sa WPS.

Kung nagagawa nila ito, magagawa rin natin na magkaroon ng bilateral agreement sa China.

Basta sa ikauunlad ng ating industriya, kalakalan at iba pang kasunduang makikinabang ang Pilipinas, gayahin natin ang Indonesia, Vietnam at Malaysia.

Partnership. Mga Kasunduan at pagtutulungang sa mga kapwa natin bansa sa Asia ay kailangang maisulong upang mapalakas ang ating bansa at mapalago natin ang diplomasyang nakabatay sa paggalang, at patutulungan bilang malaya at nagsasariling bansa.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

25

Related posts

Leave a Comment