LAGUNA – Dalawang lalaki ang natagpuang walang buhay sa gilid ng main road ng San Pedro City Public Cemetery sa Barangay San Antonio, San Pedro City nitong Biyernes ng umaga.
Ayon sa San Pedro City Police, parehong hindi pa nakikilala ang dalawang lalaking biktima.
Ang unang biktima ay tinatayang nasa mid-20’s ang edad, may taas na humigit-kumulang 5’4″, nakasuot ng itim na jogging pants, walang pang-itaas na damit, at nakabalot sa tape ang ulo.
Ang ikalawa namang biktima ay tinatayang nasa mid-20’s din ang edad, may taas na humigit-kumulang 5’4″, nakasuot ng light blue na maong pants, walang pang-itaas na damit, may suot na berdeng medyas, nakabalot din ang ulo ng tape at may tattoo sa kaliwang braso.
Ayon sa ulat ng San Pedro City Police, bandang alas-7:45 ng umaga nang makita ng isang babaeng naninirahan sa loob ng compound ng San Pedro Public Cemetery, ang dalawang lalaki habang nakahandusay sa tabi ng kalsada, hindi kalayuan sa isa’t isa.
Agad nagresponde ang mga tauhan ng San Pedro City Police Station, kasama ang mga imbestigador at SOCO team mula sa RFU4A, upang imbestigahan ang insidente.
Sa pagsisiyasat, nadiskubre na may mga bakas ng dugo sa lupa at mayroon ding pulang trolley na nakita sa tabi ng mga bangkay.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng San Pedro City Police Station upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima at kung sino ang mga responsable sa krimen.
(NILOU DEL CARMEN)
