RAMDAM na ramdam ang pagnanais ng taga Maynila na maibalik sa pwesto si dating Manila mayor Isko Moreno-Domagoso na ngayon ay mayoralty candidate, katunayan, dinagsa ang Proclamation rally nito sa Moriones, Tondo.
Bagama’t umaambon, hindi natinag ang mga tagasuporta at nagmamahal kay Yorme na naghintay para pakinggan ang kanyang mga adhikain para sa pagbuhay sa anila’y napabayaang kabisera.
Sa kanyang pagtayo sa entablado, walang ibang sigaw ang Manilenyo kundi ‘bumalik kana…bumalik kana..bumalik kana Yorme’.
Kasama ng buong tiket ng Yorme’s Choice, muling nakiusap si Yorme sa mamamayan ng Maynila na samahan sila at muling iboto upang makabalik at muling makapaglingkod ng may gobyerno at totoong maglilingkod para sa Manilenyo.
“Tutal tayo naglagay sa kanya, sama-sama tayong alisin silang lahat,” saad ni Yorme sa kanyang mga tagasuporta.
Muling inihayag ni Domagoso na una niyang bibigyan ng atensyon at panahon kasama ng kanyang mga konsehal ang kalinisan, peace and order, edukasyon, trabaho, pabahay, katuwang ang kanyang kakampi na si vice mayoralty candidate Chie Atienza.
Pangako ni Domagoso, mararamdaman na muli na may gobyerno na nagtatrabaho at umiikot kahit sa gabi para sa kapanatagan ng bawat mamamayan ng lungsod ng Maynila.
Samantala, nagpasalamat naman si reelectionist Senator Imee Marcos sa pagyakap ng Yorme’s Choice at ng Aksyon Demokratiko sa kanya para maisama siya sa mga kampanya sa Maynila.
Sinabi ni Domagoso na sa maliit na pamamaraan ay gusto nilang tulungan ang senadora katulad din ni Cong. Rodante Marcoleta.
“Ang maganda kasi sa Aksyon –wala kasi kaming senatorial line up ngayon eh. Aksyon is a national party where we can choose from administration –from the opposition or any independent senators na kandidato. Maluwag kami, malaya kami,” pahayag ni Domagoso.
Kasama rin sa mga senatorial candidate na tinanggap ng Yorme’s Choice si reelectionist Sen. Bong Go na bagamat hindi nakarating ay nagpadala naman ng kanyang kinatawan dahil kasabay ng proclamation rally sa lokal na posisyon ang 80th kaarawan ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, sa pagsisimula ng local campaign period, nagsagawa rin ng City-wide motorcade ang Yorme’s Choice sa anim na distrito ng Maynila na kahit sobrang init ng panahon ay maraming nag-abang sa kalsada o ruta na daraanan ng motorcade upang magpakita ng suporta sa nagbabalik na alkalde ng Maynila.
(JOCELYN DOMENDEN)
