NASAWI ang dalawang hinihinalang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group (DI-HG) sa isinagawang pinagsanib na operasyon ng militar at pulisya sa Barangay Kapinpilan, Ampatuan, Maguindanao del Sur, nitong Nobyembre 8.
Ayon sa ulat ng Army 6th Infantry Division, isinagawa ang Joint Law Enforcement Support Operation (JLESO) dakong alas-5:30 ng umaga laban sa mga indibidwal na iniuugnay sa nasabing armadong grupo.
Kinilala ang mga nasawi na sina Amar Sansawi Usman, alyas Amar Usman o Akhie Usman, na itinuturing ng mga awtoridad na Most Wanted Person sa Maguindanao del Sur at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at ang kasama nitong si alyas Syok.
Iniuugnay rin si alyas Syok sa mga insidente ng riding-in-tandem criminal activities at itinuturing na suspek sa pananambang sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, noong Marso 28, 2026.
Pinangunahan ni 90th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Loqui O. Marco ang operasyon, katuwang ang Ampatuan Municipal Police Station, Police Mobile Force Company at Special Action Force.
Narekober sa pinangyarihan ang isang caliber .45 pistol at isang Uzi submachine gun, kasama ang mga magazine at bala na isinailalim sa dokumentasyon at imbestigasyon.
Ayon kay 601st Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Gremel B. Brual, naging mahalaga sa operasyon ang koordinasyon ng militar at pulisya, gayundin ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at mga mamamayan sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga kahina-hinalang aktibidad.
Pinuri naman ni 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central Commander Maj. Gen. Edgar L. Catu ang mga tauhan ng militar at pulisya dahil sa kanilang kahandaan at propesyonalismo sa pagsasagawa ng operasyon.
(JESSE RUIZ)
23 