NAGHAIN si Senate Social Justice, Welfare, and Rural Development Committee Chairman Senator Erwin Tulfo ng panukalang batas na naglalayong protektahan ang mga manggagawang Pilipino laban sa basta-bastang pagtatanggal sa trabaho dahil sa paggamit ng artificial intelligence (AI) at automation ng mga kompanya.
Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2563, nais ni Tulfo na magdagdag ng mga probisyon sa Labor Code of the Philippines na magtatakda ng mga kondisyon upang maituring na patas at makatarungan ang pagtatanggal sa isang empleyado dahil sa paggamit ng AI.
“Hindi mawawala yung kailangang mag-adopt ng mga kumpanya sa AI pero di dapat makompromiso yung trabaho ng mga kababayan natin basta-basta, dahil yung kita nila yung pinangbubuhay nila ng pamilya nila,” pahayag ni Tulfo.
“Yung technological progress di maiiwasan iyan, pero di dapat maiwan yung manggagawang Pilipino na sila lang mahirapan dahil tinanggal sila basta-basta,” dagdag ng senador.
Sa ilalim ng panukala, kailangang matugunan ng mga employer ang ilang kondisyon bago magsagawa ng tanggalan dahil sa AI, kabilang ang pagkakaroon ng aktwal na paggamit ng AI technology o systems at pagpapatupad nito nang may mabuting hangarin o good faith.
Dapat ding makatwiran ang layunin ng paggamit ng AI, gaya ng pagbabawas ng gastos at pagpapahusay ng serbisyo. Kailangan ding mapatunayan na wala nang ibang opsyon upang maiwasan ang pagtatanggal ng mga empleyado at patas at makatwiran ang pagpili sa mga maaapektuhan.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay ng separation pay sa mga manggagawang makatwirang matatanggal sa trabaho dahil sa AI, na katumbas ng hindi bababa sa dalawang buwang sweldo o dalawang buwang sweldo kada taon ng serbisyo, alinman ang mas mataas.
Inaatasan din ang mga employer na ipagbigay-alam sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang planong pagtatanggal ng mga empleyado nang hindi bababa sa anim na buwan bago ito ipatupad.
Bukod dito, kailangang bigyan muna ng pagkakataon ang mga kasalukuyang empleyado na sumailalim sa retraining o reskilling upang makapagpatuloy sa trabaho sa kabila ng pagpapasok ng mga AI system na maaaring pumalit sa kanilang mga gawain.
“Kailangang magkaroon ng proactive na galaw upang maiwas ang mga manggagawa sa pagkakatanggal sa trabaho dahil lamang sa pagdating ng AI. Hindi lamang natin pinag-uusapan ang mga karera nila rito, ang pinagtutuunan natin ng pansin ay ang kabuhayan at ang buhay ng mga pamilya ng mga empleyado,” ayon kay Tulfo.
25 