HINDI tunay na abo ng mga alagang hayop kundi mga tinunaw na silicon, iron, potassium at aluminum ang natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa limang urn na ipinagkaloob ng Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa mga fur parent.
Dahil dito, nagsampa ang NBI ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) laban sa apat na indibidwal na sangkot sa operasyon ng naturang pasilidad dahil sa paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code o Estafa.
Ayon sa mga nagreklamo, nagbayad sila ng halagang P6,000 hanggang P12,000 kapalit ng maayos na serbisyo sa cremation ng kanilang mga alagang hayop, ngunit nadismaya sila nang malaman ang resulta ng forensic examination.
Bukod sa panloloko, iginiit ng mga fur parent na itinuring nilang bahagi ng pamilya ang kanilang mga yumaong alagang aso at pusa kaya nais nilang makamit ang hustisya.
Nangangamba rin sila sa mga ulat na hindi na umano matagpuan ang ilan sa mga sangkot sa kabila ng umiiral na Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa mga ito.
Ayon kay Philippine Animal Welfare Society (PAWS) Executive Director Atty. Anna Cabrera, plano nilang iakyat ang reklamo sa kasong Syndicated Estafa upang matiyak na maituturing itong non-bailable offense o kasong hindi pinapayagan ang piyansa.
(JULIET PACOT)
31 