MATAPOS na maneyutralisa ng Philippine Army si Jorge “Ka Oris”
Madlos, communist New People’s Army top honcho, ay dalawa pang NPA red fighters ang napatay ng pinagsanib na puwersa ng Army 7th Infantry Division at PNP sa Besao, Mountain Province
Ayon kay Army Public Affairs chief, Col. Xerxes Trinidad, nasabat ng mga tauhan ng 69th Infantry Battalion at Mountain Province Police ang isang pangkat ng mga armadong NPA na nauwi sa ilang minutong sagupaan.
Sa isinagawang clearing operation sa encounter site ay nakumpirmang mga kasapi ng Komiteng Larangang Guerilla – Abra, Mountain Province, Ilocos Sur (KLG-AMPIS) ang nakasagupa ng 69IB, kasama ang mga tauhan ng Besao Municipal Police Station at Mountain Province Provincial Mobile Force Company (PMFC), sa Sitio Masameyeo, Barangay Gueday sa Besao, Mountain Province.
Dalawang bangkay ng NPA ang na-recover at dalawang 5.56 mm R4 rifles sa lugar na inatrasan ng mga rebelde.
Ayon pa kay Col. Trinidad, nito lamang nakalipas na buwan ng Setyembre ay nakasagupa rin ng mga sundalo ang mga kasapi ng KLG-AMPIS sa Brgy. Mainit, Bontoc, Mountain Province na nagresulta rin sa pagkamatay ng dalawang communist terrorist at pagkakabawi sa ilang mataas na kalibre ng mga armas.
Ayon kay Lt. General Andres Centino, commanding general ng Philippine Army (CGPA), pinipilit nilang makatugon sa kautusan ng kanilang commander-in-chief na wakasan na ang armadong pakikibaka ng CPP-NPA sa gobyerno bago matapos ang taong 2022.
“Enemy is on the brink of irreversible defeat and that the Army will not forgo this opportunity,” ani Centino. (JESSE KABEL)
